TULONG PINANSIYAL SA 2 REBELDENG SUMUKO

RIZAL- PINANGUNAHAN ni Gov. Rebecca “Nini” Ynares ang paggawad ng insentibo sa dalawang miyembro ng CPP-NPA-NDF na nasa pangangalaga ng Rizal Police Provincial Office.

Ang isinasagawang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ay ginanap sa 2nd floor Governor’s Office, Provincial Capitol, Antipolo City kamakalawa ng hapon.

Ang E-CLIP ay isang programa ng pamahalaang naglalayong tulungan ang mga kasapi ng makakaliwang grupo na nais magbalik loob sa pamahalaan at pamayanan upang makasamang muli ang mga mahal sa buhay at makapamuhay ng normal.

Dumalo sa naturang Awarding Ceremony sina BGen. Cerilo Balaoro Jr., 202nd Brigade Commander/E-CLIP co-chairperson; Lt Col Erwin Comendador, 80th IB Battalion Commander at Col Dominic Baccay , Provincial Director, Rizal PNP.

“Ang pamahalaan po natin ay kakampi niyo. Parehas po tayong Pilipino. Magkaisa po tayo, yan po ang ating panawagan, Naway magsimula ang pag-asa at pagbabago sa atin patungo sa mapayapa at maunlad na Pilipinas,” Ani Baccay.

Nagpasalamat naman si Ynares sa bumubuo sa E-CLIP dahil hindi kakayanin ng isang ahensiya ito kundi ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya para maihatid ang tulong na maaaring ibigay sa kanila.

“Alam ko, sa pagbabalik loob nila, it’s not going to be easy, there will be challenging times for them not only for their needs but also for their security marami pong programa ang ating pamahalaan na pwede ninyong pakinabangan, Umasa kayo na kaming lahat na nandito ay tutulungan kayo upang makabalik sa normal na pamumuhay.” anang gober­nador.

Ang dalawang former rebels (FR) ay makakatanggap ng P86,000 bawat isa, (15k immediate assistance, 50k livelihood assistance at 21k reintegration assistance) na kanilang magagamit upang makapagsimulang muli.

Nagpasalamat naman ang dalawang FR sa tulong na kanilang natanggap at umaasang sa kanilang pagbabalik loob ay maging halimbawa sa mga dating kasamahan na kasapi PA rin sa makakaliwang grupo na maliwanagan at magbalik loob na rin sa pamahalaan at pamayanan. ELMA MORALES