TULONG PINANSIYAL SA KADIWA RETAIL STORE

Imelda Aguilar

INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang programang financial grant assistance na makatutulong sa community based organization (CBO) upang makapagtayo ng sari­ling Kadiwa Retail Store sa tulong ng Department of Agriculture and Marketing Assistance Service (DAMAS).

Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda  Aguilar, ang Kadiwa Retail Store na tatawaging “Enhanced Kadiwa ni Ani at Kita Financial Grant Assistance Program” ay layon na makatulong sa CBO na kinabibilangan ng non-government organizations (NGO’s), kooperatiba, korporasyon, people’s organization o homeowners associations na gustong magbigay ng ayuda sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagkaroon ng karagdagang kita.

Ipinaliwanag ni Agui­lar, ang ‘Kadiwa ni Ani at Kita Program’ ay isang direct marketing scheme kung saan ang producers (farmers at fisherfolk) ay direktang makikipag-ugnayan sa kumokonsumong publiko upang agaran na magkaroon ng food commodities sa resonab­leng halaga sa Kadiwa stores sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.

Sinabi ni City Administrator Rey Balagulan, ang tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P150,000 ay upang mapalakas pa ang kapasidad ng community based-organizations na makapananatili sa  operasyon ng Kadiwa retail store.

Gayundin, ani Balagulan,  patuloy pa rin ang lokal na pamahalaan sa pag-oorganisa ng “covered court palengke” sa iba’t-ibang komunidad sa lungsod upang maiwasan ang pagsisiksikan ng mga mamimili sa mga palengke at pagkalat ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.