UMAPELA si Senador Sherwin Gatchalian sa gobyerno na magbigay ng pinansiyal na tulong sa local government units (LGUs) matapos na muling ibalik sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.
Paliwanag ni Gatchalian na ang mga opisyal ng LGUs mula mga alkalde hanggang mga barangay tanod ay maituturing na frontliners dahil sila ang nagde-deliver ng mga serbisyo sa mga bahay bahay kaya malaki ang tsansang mahawahan sila ng virus.
Bukod sa pamamahagi ng tulong pinansiyal at mga serbisyo ang LGUs din ang namamahagi ng Quarantine Pass para matiyak na isa lang ang taong makakalabas kada pamilya para makabili ng pangunahing bilihin.
Ang mga LGUs din umano ang siyang unang nagsasagawa ng contact tracing at checkpoints sa mga boundary na nasa ilalim ng MECQ tulad ng Metro Manila, Rizal, Bulacan, Laguna at Cavite para mapigilan ang paggalaw ng tao.
Paliwanag ni Gatchalian, ang LGUs ang unang depensa para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 kaya dapat kilalanin ng gobyerno ang mahalagang role na kanilang ginagampanan.
Iginiit pa ng senador na dapat na maaprubahan na ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 dahil nakasaad dito ang pagbibigay ng 5% para sa calamity fund bukod pa ang pagdadagdag ng pondo sa kanila ng national government.
Kailangan din ang batas para maibigay ang buong suporta sa buong LGUs.
Comments are closed.