‘TULONG PINANSIYAL SA MONTALBAN AT PCSO MAY CONFIDENTIAL FUND’

TULOY-TULOY ang “Tulong Pinansiyal sa Montalban” na ipinatutupad ni Cong. Fidel Nograles para sa mga residente ng bayan.

Kung hindi ako nagkakamali, katuwang niya rito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa.

Sinasabing kasama sa mga nakakuha ng ayuda kamakailan ang nasa mahigit 1,000 kapus-palad na senior citizens at persons with disabilities (PWD), kababaihan, kabataang mag-aaral at mga nawalan ng kabuhayan.

Ang programa ay ibinibigay sa anyo ng financial assistance, medical assistance, burial assistance, educational assistance, at livelihood assistance.

Nakabibilib talaga itong si Nograles, kinatawan ng ika-4 na distrito ng lalawigan ng Rizal.

Talagang ayaw niyang makitang mahirapan pa ang mga benepisyaryo sa pagtungo sa kanyang opisina sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Kaya naman, ang mga tauhan na niya mismo ang naghahanap ng covered court kung saan malapit ang mga residente at doon ipinamamahagi ang tulong para sa kanila.

Samantala, may P100 milyong confidential fund daw pala ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na laan para labanan ang illegal gambling bansa.

Natuklasan ito nang magtanong si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa PCSO kaugnay ng mandato ng ahensya para labanan ang iba’t ibang sugal.

Sabi nga ni PCSO Assistant General Manager Lauro Patiag, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at mga lokal na pamahalaan para sa kampanyang ito.

Well, tama nga naman si Patiag, wala silang police powers para gawin ito.

Nang matanong naman si PCSO Board Secretary Reymar Santiago, isiniwalat ng opisyal na mayroong confidential funds ang kanilang tanggapan na ginagamit sa pangangalap ng mga impormasyon kaugnay ng illegal gambling activities sa buong kapuluan.

Sa palagay ko, mayroon naman itong resulta o napupunta ang confi fund sa dapat puntahan.
God bless and more power po, mga bossing!