NAKAHANDA na ang team ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa Clark International Airport sa Pampanga upang magbigay ng tulong pinansiyal sa overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng bagyong Ompong.
Sa abiso ng DFA, magkakaloob ang ahensya ng limang libong pisong financial assistance sa mga OFW na nakansela ang biyahe dahil sa bagyo.
Sinasabing umabot na sa 112 ang cancelled flights kung saan 72 dito ang domestic habang nasa 40 international flights naman ang nakansela base na rin sa ulat ng Manila International Airport Authority Media Affairs Division.
Gayundin, maliban sa Clark mayroon ding team ang DFA sa Terminals 1, 2, at 3 ng Ninoy Aquino International Airport, Mactan International Airport at Davao International Airport na aayuda rin sa mga OFW.
Ang nasabing hakbang ay bilang tugon ni Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagkalooban ng tulong pinansyal ang mga mai-stranded na OFWs sa airport man o sa pantalan.