TULONG SA BAYAN NINA SPEAKER ROMUALDEZ AT GM ROBLES

SA gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, isang magandang balita ang inaasahan ng mga Pilipino pagdating ng Hulyo at ito ang inaasahang pagbaba ng presyo ng bigas na maaaring mabili sa mas mababang halaga na hindi lalampas sa P30 bawat kilo.

Ito ay ipinahayag ni House Speaker Martin Romualdez matapos ang isang pulong kasama si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel.

Bagaman may mga patuloy na pagbaba sa presyo ng ilang pangunahing bilihin, tulad ng gulay at prutas, nananatiling mataas pa rin ang presyo ng bigas at karne ng baboy.

Ngunit sinabi ni Speaker Romualdez na ito ang kanilang pangunahing tututukan upang mapababa ang presyo ng bigas.

Inilahad ni Secretary Laurel na sa kasalukuyan, hadlang ang ilang batas, tulad ng Rice Tariffication Law, na nagpipigil sa Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na makialam sa usaping ito.

Gayunpaman, dahil sa inaasahang pagbabago sa nasabing batas, maaaring maisakatuparan ang pagpapababa ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Sa plano ng DA na ibenta ang mura at de-kalidad na bigas sa pamamagitan ng KADIWA Stores, umaasa si Secretary Tiu na magiging epektibo ito sa pagbibigay ng alternatibong pagkukunan ng murang bigas para sa mga Pilipino.

Dagdag naman ni Speaker Romualdez, oras na mapagtibay ang amyenda sa Rice Tariffication Law, maipapatupad na ang pagbaba ng presyo ng bigas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Samantala, ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay kilala hindi lamang bilang isang ahensya na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nangangailangan, kundi pati na rin bilang isang mapagkukunan ng kita para sa pambansang kaban.

Sa kabila ng kanilang magandang layunin, hindi maipagkakaila na may mga hamon silang kinakaharap, lalo na ang patuloy na pagdami ng iligal na sugal sa bansa.

Nagpahayag si PCSO General Manager Mel Robles ng kanyang saloobin na mas mataas pa sana ang maibibigay na dibidendo sa gobyerno kung magsusupo lamang ang mga iligal na laro sa bansa.

Ang pahayag na ito ay nagpapakita ng determinasyon ng ahensya na magbigay ng mas malaking kontribusyon sa pambansang kaban para sa mga proyektong makatutulong sa mamamayan.

Ang pagtaas ng kita ng PCSO noong nakaraang taon ay isang magandang balita, subalit hindi ito dapat maging dahilan upang maging kampante tayo.

Hindi dapat kalimutan na ang patuloy na paglaganap ng iligal na sugal ay may malaking epekto hindi lamang sa kita ng PCSO kundi maging sa lipunan. Ito ay isang suliranin na hindi dapat balewalain.

Sa pagtutulungan at sama-samang pagkilos, tiwala tayong mas magiging epektibo at matagumpay nating malulutas ang suliraning ito. Hindi lamang magiging mas malaki ang maibibigay na tulong ng PCSO sa gobyerno, kundi magiging mas ligtas at maayos ang ating lipunan laban sa masasamang epekto ng ilegal na sugal.