UMAPELA si AAMBIS-OWA Partylist Rep. at House Committee on Economic Affairs Chairperson Sharon Garin sa Kamara na aprubahan na agad ang panukala na tutulong sa industriya ng kape sa bansa.
Layunin ng House Bill 3598 na inihain ng kongresista na magbigay ng suporta sa coffee sector ng bansa na apektado rin ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.
Nakasaad sa probisyon ng panukala ang pagbibigay ng technical assistance para mapalago at mapaganda ang planting system at rehabilitation ng mga pananim ng kape sa bansa para sa epektibong produksiyon.
Bubuo rin ng isang national program na magpapalakas sa industriya ng kape at maglalatag ng mga pamamaraan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga coffee farmer.
Pinamamadali ng kongresista ang pag-apruba sa panukala dahil sa sunod-sunod na dagok na dinanas ng sektor mula nang sumabog ang Bulkang Taal na nakasira sa mga tanim, na sinundan pa ng community quarantine dahil sa pandemya.
Pinatataasan din ni Garin ang demand ng consumption ng kape sa bansa sa pamamagitan ng pagkontrol sa domestic market upang makatulong sa pagbangon ng mga magsasaka sa halip na dumepende lamang sa mga inaangkat na kape.
Sa kasalukuyan ay nakasalang pa ang naturang panukala sa House Committee on Agriculture and Food. CONDE BATAC
Comments are closed.