(Tulong sa Maynila kinilala) FILIPINO-CHINESE DAGSA SA CHINESE NEW YEAR

PINAPURIHAN ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang Chinese-Filipino community sa Manila at mga karatig bunsod ng tuloy-tuloy na suporta nito sa siyudad lalo na noong kasagsagan ng pandemya.

Kasabay nito, inanyayahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng mga Chinoy na makiisa sa pagdiriwang ng Chinese New Year o Year of the Water Rabbit dahil maraming nakalinyang gawain para sa nasabing taunang selebrasyon.

Tiniyak din nito na ipagkakaloob ang lahat ng kailangang tulong ng mga Chinoy maging ang mga ito ay nakatira sa bansa, nagnenegosyo sa Maynila o turista.

Samantala, sinabi ni Lacuna na ang mga gawaing nakalatag ay kaugnay ng selebrasyon ng Chinese New Year at ito ay sa pakikipagtulungan at koordinasyon sa pagitan ng Chinese-Filipino community at ng city government ng Maynila sa pangunguna ni City Administrator Bernie Ang.

Mula Enero 19 hanggang Enero 22, magkakaroon ng Chinatown Food Festival sa Plaza Lorenzo Ruiz mula alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.

Mamaya sa ganap na alas-11 ng gabi ay gaganapin ang Chinese New Year Countdown at Grand Fireworks Display sa Filipino-Chinese Friendship Bridge sa Intramuros.

At bukas, Linggo na mismong Chinese New Year ay gaganapin ang Dragon Boat Competition na magsisimula sa Birch Tree Plaza ganap na alas-8 ng umaga.

Sa ganap na alas-2 ng hapon ay gaganapin naman ang ‘Solidarity Parade’ na magsisimula sa Post Office.

Magtatapos ang isang buong araw na gawain sa pamamagitan ng Huaxing Arts Group Chinese Cultural Show sa Plaza Lorenzo Ruiz ganap na alas- 6 ng gabi. VERLIN RUIZ