NANAWAGAN ang liderato ng Kamara na bilisan ang paghahatid ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Itbayat, Batanes.
Sa House Resolution 139 na inihain nila House Speaker Alan Peter Cayetano, House Majority Leader Martin Romualdez at House Minority Leader Bienvenido Abante Jr., nagpahayag ng pakikiramay ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa trahedyang idinulot ng dalawang magkasunod na lindol sa Batanes kung saan umabot na sa 9 ang nasawi at 63 naman ang sugatan.
Ipinaabot na rin ng Kapulungan ang simpatya sa mga naulilang pamilya, sa mga patuloy pang nagpapagaling at pilit na bumabangon kasunod ng insidente.
Kasabay nito, umapela ang Kamara sa National Disaster Risk Reduction and Management Council at sa katulad na mga organisasyon na bilisan ang paghahatid ng humanitarian assistance at pagpapabalik sa normal na pamumuhay ng mga apektadong lugar.
Maliban sa mga nasawi at nasugatan, malaki rin ang iniwang pinsala ng mga pagyanig sa mga bahay, lansangan at iba pang imprastruktura sa lalawigan.
Samantala, kahapon ay nabatid na ikinakasa na ng Philippine Navy ang kanilang Barko de giyera na BRP Tarlac LD 601 para maghatid ng relief goods sa may 3,000 residente ng Itbayat na balot pa rin ng takot dahil sa sunod-sunod na after shocks na kanilang nararanasan.
Kaugnay nito ay nakatakda ring magdagdag ng mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC) para sa psychosocial support sa mga biktima na dumaranas ng matinding trauma.
Ayon kay PRC chairman Sen. Richard Gordon, kumilos na ang kanilang chapter sa Batanes matapos ang pangyayari. Ayon naman kay kay Batanes Gov. Marilou Cayco, pangunahing problema nila ang patuloy na aftershocks at mga naitatalang pag-ulan kaya’t nanatili sa tent houses ang mga residente.
Ipinaabot naman ni Itbayat, Mayor Raul de Sagon, pagkain ang kailangan nila dahil limitado ang supply nito at hindi na tatagal dahil walang ibang paraan para marating ang kanilang kinaroroonan kundi sa pamamagitan ng barko.
Ito naman ang dahilan kaya pinakilos na ni Navy Flag Officers in Command Vice Admiral Robert Empedrad ang Naval Fleet Marine Group para i-deploy ang BRP Tarlac LD-601 para maghatid ng pagkain. CONDE BATAC/VERLIN RUIZ