TULONG SA MGA MANGINGISDA AT MAGSASAKA

DAHIL hindi pa tapos ang pandemya, halos lahat ng bansa ay hirap bumangon.

Hirap ding mag-produce ng pagkain.

Kaya ang Pilipinas na isang maliit lang na nasyon ay inaangkat na halos lahat ng pagkain.

Ang bigas, asukal, sibuyas at iba pang agricultural products ay ini-import natin.

Masakit isipin na kahit sagana tayo sa yamang dagat at maraming nag-aalaga ng mga hayop ay nag-aangkat pa rin tayo ng isda at karne.

Pakiwari ko, lahat ng mga nasa hapag ng mga Pilipino ay pawang angkat sa ibang bansa.

Bihira ang sariling atin, maliban sa ilang klase ng gulay at prutas.

Binalak pa nga nilang mag-import na rin ng asin na hindi tiyak kung natuloy o hindi.

Para bang ang hirap isipin na nangyayari ito.

Sabagay, kung hindi nga naman daw kakayaning mag-produce ay kailangang mag-angkat sa labas ng bansa kundi’y magugutom ang mga Pinoy.

Sa kabilang banda, humahanap naman ng paraan ang administrasyong Marcos sa mga problemang ito.

Napapanahon din ang ginagawang tulong ng gobyerno sa mga mahihirap na mangingisda sa Mindanao.

Inaasahan kasi na magkakaroon na ng sapat na income ang tinatayang 30 miyembro ng isang Bangsamoro fishermen’s group, gayundin ang kani-kanilang pamilya.

Pinagkalooban kasi sila ng mga motorized fishing boat ng pamahalaan sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) program.

Sinasabing mula sa Barangay Kinawitnon Bangsamoro Group ang ilang benepisyaryo kung saan ilan sa kanila ay mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na naninirahan na ngayon sa coastal fishing community.

Tinanggap ng mga benepisyaryo ang mga bangka sa isang simpleng turnover ceremony na pinangunahan ni Executive Director Cesar de Mesa ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na siyang namamahala sa implementasyon ng PAMANA.

Ayon kay De Mesa, ang mga motorized banca ay may kasamang iba’t ibang kagamitan na sumisimbolo sa pagnanais ng national government, sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga mangingisda at kanilang mga pamilya.

Tama nga naman si De Mesa na bilang kalihim din ng departamento ng agrikultura, batid ni PBBM ang pangagailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda.

Upang buong husay silang makapagtrabaho at kumita nang maayos o marangal, kailangan nila ng mga maayos na kagamitan at pinakabagong kaalaman at pagsasanay ukol dito.

Hindi titigil ang administrasyong Marcos hanggang hindi nahahatiran ng tulong at naaayos ang pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda sa mga lalawigan.

Sa pamamagitan din ng PAMANA program, naipakikita ng gobyerno ang buong-puso nitong suporta sa ating mga kababayan sa mga liblib na lugar, lalo ang mga apektado ng armadong kaguluhan.

Napakagandang approach ito.

Sa totoo lang, makakamit lamang ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa ating mga mahihirap na komunidad.

Nawa’y timbangin ding maigi ng pamahalaan ang pag-aangkat ng iba’t ibang produkto sa Taiwan, Vietnam, China, at iba pang bansa.

Maghinay-hinay dahil kapag sobra ay maaapektuhan naman ang sektor ng pangingisda.

Dapat pakinggan ang hinaing ng grupo ng mga mangingisda, pati ang mga lokal na mangingisda mismo, at ikasa ang tuloy-tuloy na pagtulong upang patuloy silang magsikap na makahuli nang marami na tiyak na makatutulong sa mga nagugutom na mamamayan.