TULONG SA MGA MILF AT MNLF IBIGAY NA

Hindi na dapat patagalin ng pamahalaan ang pangako nitong tulong para sa mga nagbabalik loob na rebeldeng grupo.

Ito ayon kay Sen. Robin Padilla makaraan ang isinagawang consultative meeting sa Senado sa mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)

Sinabi ng senador na kinakailangang maibigay ang karampatang tulong partikular na sa mga dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na na­kinabang sa programang amnestiya.

“Sa totoo lang, ang daming pinag-uusapan ngayon na hindi pa pinag-uusapan. Dapat pi­nag-uusapan, paano tayo makaka-deliver sa pinangako ng gobyerno sa MILF,” ani Padilla, na chairman  ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.

Nabatid sa meeting na marami pang hindi natupad sa pa­ngako ng pamahalaan sa mga MNLF at MILF na nagbalik-loob. Mula 2014 ay 26,145 decommissioned combatants pa lang ang nakatanggap ng tulong  at may 14,000 pang pinoproseso ang kanilang pag-decommission.

Sa 26,145 na nakakatanggap ng tulong, hindi lahat ang nabigyan ng socio-economic package na ipinangako sa kanila.

“Frustrated ang combatants namin, bakit hanggang ngayon ‘di pa delivered ang commitment ng gobyerno… siguro di dapat parang pagong na umuusad yan,” ani Mohagher Iqbal, na dating opisyal ng MILF at ngayo’y miyembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament.

LIZA SORIANO