NAGSAGAWA ng inspeksyon sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., si Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual at iba pang mga miyembro ng gabinete.
Kasunod ng malawakang oil spill, ang lokal na pamahalaan ay nagdeklara ng state of calamity sa lahat ng coastal barangays sa buong Oriental Mindoro.
Tinatayang 78 coastal barangay ang naapektuhan ang pamumuhay at negosyo. Ang naturang oil spill ay nakaapekto sa 63 tourism sites at isang libong manggagawa na mula sa mga coastal barangays, at mga negosyong may kinalaman sa turismo.
Kaugnay nito ay namahagi ang pamahalaan ng iba’t-ibang government assistance sa mga apektadong residente ng Pola. Pinangunahan ni Secretary Pascual ang pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa DTI para sa mga maliliit na negosyo na naapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress na naglalaman ng industrial fuel.
Ang tulong na ito ay bahagi ng programa ng DTI na Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) kung saan sila ay namahagi ng LandBank Card sa sampung microenterprises sa Pola.
Ani Secretary Pascual, “Kami po sa DTI ay nagpapaabot ng tulong sa mga negosyanteng naapektuhan ng oil spill.
Batid namin na ang insidenteng ito ay nagpahina sa kanilang mga hanapbuhay na nagsisimula pa lamang bumangon mula sa epekto ng pandemya. Isa sa mga priorities ng aming ahensya ay palakasin ang mga maliliit na negosyo o mga MSMEs kaya’t kami ay tuloy-tuloy na magbibigay ng tulong upang matulungan silang muling makabangon, lalo na sa naturang oil spill.”
Upang ma-assess ang lawak ng pinsalang tinamo ng Mindoro, nagsagawa rin ng aerial inspection si Pangulong Marcos. Ito rin ay sinundan ng pagsasagawa ng survey ng Small Business Corporation (SBCorp) sa mga negosyo na pinagkalooban ng loans. Base sa survey, pitumpu’t anim sa mga ito ang naapektuhan ng naturang oil spill. Ilan sa mga negosyong ito ay mga operators ng bangka, at mga may-ari ng resorts at sari-sari stores na humina ang kita matapos maapektuhan ang sektor ng turismo at pangingisda.
Sa kabilang banda, ang DTI Provincial Office (DTI-PO) sa tulong ng mga Negosyo Centers ay humingi rin ng listahan ng mga microenterprises sa mga apektadong lugar. Sa pakikipagtulungan sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWD), magsasagawa ng evaluation ang DTI upang matukoy ang mga benipisyaryong mapagkakalooban ng tulong sa pamamagitan ng PPG.
Ang PPG Program ay inilunsad ng DTI noong 2020 bilang pagtugon na maibalik ang sigla ng ekonomiya sa mga lugar na naapektuhan ng digmaan, bagyo, at iba pang uri ng kalamidad at sakuna. Sa katunayan, noong 2022 ay nakapagbahagi ang DTI ng PPG startup kits sa mahigit 600 benepisyaryo.