TULONG SA OUT-OF-SCHOOL YOUTH HINILING

Sen Sonny Angara

UMAASA si Senador  Sonny Angara  na tatargetin ng pamahalaan ang may apat na milyong  out-of-school youth sa pagmamagitan ng educational assistance.

“While it’s back to school for 28 million students, there are still some 3.8 million out-of-school children and youth out there who need government’s assistance so they can have access to quality education. Nakalulungkot na mil­yon-milyon pa rin ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral na susi para sa magandang kinabukasan ng kanilang pamilya,” diin ni Angara na kilalang nagsusulong ng reporma sa edukasyon.

Ang pahayag  ng senador ay base na rin sa 2016 Annual Poverty Indicators Survey na mayroong 3.8 million out-of-school youth ang bansa na kung saan sa kalahating kabuang bilang nito ay mula sa pinakamahihirap na pamilya.

Tinukoy ni Angara, ang libreng pag-aaral sa elementar­ya at high school ay malaking tulong para sa mga kabataan na kapos sa pananalapi. Ang yumaong dating Senador Edgardo Angara ang may akda ng Free High School Act.

“Laging ipinagmamalaki sa akin ng aking ama na simula elementarya hanggang graduate school ay wala ni isang sentimo siyang binayaran. Ito ang layunin niya—ang magpasa ng mga batas na magbibigay sa bawat Pilipino ng oportunidad na makakuha ng libre at dekalidad na edukasyon—na atin namang ipag­papatuloy,” ayon sa senador.

At upang mapunan ang libreng tuition sa high school at kolehiyo, isinusulong din ni Angara ang student discount  para sa libro, school supplies, pamasahe at iba pang pangunahing serbisyo para sa mahihirap na mag-aaral.  VICKY CERVALES

Comments are closed.