(Tulong sa pagbaba ng COVID-19) VACCINATION DRIVE SA LEVEL NG BRGY

ANG pinaigting na vaccination drive ng lokal na pamahalaan sa Parañaque patungo sa lebel ng barangay ang nagdulot ng mabilis na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ayon sa Parañaque City Health Office (CHO), malaki ang naitulong ng pagsasagawa ng COVID-19 vaccination sa level ng barangay na sa kasalukuyan ay mayroon na lamang 42 aktibong kaso ng virus.

Napag-alaman din sa CHO na ang pagsasagawa ng pagtuturok ng COVID vaccine sa mga residente sa 16 na barangay sa lungsod ay upang mas mapadali pa ang pagpunta ng mga ito dahil malapit na lamang ang kanilang patutunguhan.

Kasabay nito, ang mobile vaccination program (MVP) team na pinamumunuan ni Ospital ng Parañaque 1 and 2 (OsPar 1&2) medical director Dr. Jefferson Pagsisihan at Parañaque External and Homeowners Affairs Office (EHAO) chief Eva Nono ay naglilibot sa buong lungsod para sa pagbibigay ng una at ikalawang dose ng bakuna pati na rin sa booster shots sa mga indibidwal na hindi makayanang magtungo sa mega vaccination sites sa lungsod.

Sa pinag-isang report ng CHO at City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay nakapagtala ang lungsod ng kabuuang 50,344 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kabilang na dito ang 49,491 pasyente na nakarecover at gumaling habang 777 naman ang mga namatay na sa virus.

Bukod sa programang extensive vaccination rollout sa lebel ng barangay, ang lokal na pamahalaan ay namamahagi rin ng mga home care kits sa lahat ng residente na tinamaan ng COVID-19 at sa mga nakapailalim sa home quarantine. MARIVIC FERNANDEZ