TAHASANG sinabi kahapon ni Senadora Grace Poe na hindi na dapat maantala ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga pampublikong tsuper sa ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng elektronikong pagbibigay nito.
“Walang rason sa muling pagkaantala. ‘Wag nating hayaang may buhay pang muling mabuwis nang gayon na lamang dahil sa pagpapaliban ng pagdamay,” ani Poe, chairperson ng Senate committee on public services.
Inaasahang ipamamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ikalawang bugso ng SAP sa may 18 milyong pamilya sa ilaim ng Bayanihan to Heal As One Act.
Batay sa report ng gobyerno noong Hunyo 8, may 98,132 na tsuper ng PUV ang nakatanggap na ng unang bugso ng ayuda, ayon sa listahan na isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kaya mungkahi ni Poe, makipag-ugnayan ang DSWD at lokal na pamahalaan sa iba’t ibang organisasyon ng mga tsuper para makumpirma ang mga listahan ng benepisyaryo upang mas mabilis at maayos na maibigay ang subsidiya.
Iginiit niya na napilitan nang mamalimos ang ibang mga tsuper para may mapakain sa kanilang pamilya.
“Sa panahong ito, umaasa tayo na naisayos na ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang sistema at batayan ng pagbib-igay ng tulong para masigurong mapupunta ito sa kamay ng mga tsuper na lugmok sa kahirapan,” diin ni Poe.
Aniya, wala na dapat puwang ang pagbubuwis ng buhay dahil sa tulong na hindi dumarating.
Partikular na tinukoy ni Poe ang pagpanaw ni Michelle Silvertino na ilang araw naghintay ng masasakyan para makapiling ang kanyang pamilya. VICKY CERVALES
Comments are closed.