MAGTUTULUNGAN ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ang International Association of Business Communicators (IABC) upang mas madaling maintindihan ng ating sambayanan ang pagkarami-rami at iba’t ibang mga batas sa ating bansa. Ayon kasi kay Atty. Domingo Egon Cayosa, National President ng IBP, karamihan ng mga nagiging problema sa mga kasong legal at civil ay dahil sa hindi nauunawaan o naiintindihan ang ating mga batas, o ‘di kaya ay hindi alam ng ating mga mamamayan ang kanilang mga karapatan o kung paano ito ipaglaban.
Simula noong maitatag ang IBP, 47 taon na ang nakalilipas, sinasarili nito ang pagpapahayag o pagpapamahagi ng ating mga batas at kung paano ito ma-apply ng ating mga kababayan. Subalit kanilang napagtanto na kinakailangan nilang humanap ng tulong mula sa ibang mga kilalang grupo kung talagang nais nilang mapalawak pa lalo ang kaalaman ng lahat tungkol sa ating mga batas.
Dahil dito, naisip nilang makipagtulungan sa mga eksperto sa industriya, at isa na nga rito ay ang pakikibalikat sa IABC.
Malugod na tinanggap ni IABC President Belle Tiongco ang bagong partnership na ito, lalo na nga raw ngayong panahon na namamayagpag ang mga fake news.
Bilang mga bihasa at mga ekspertong communicators, malaki at marami ang maaring maitutulong ng IABC sa hangarin ng IBP na mapalawak ang kaalaman ng lahat tungkol sa ating mga batas. Ang isang ordinaryong mamamayan nga naman eh siguradong madaling maguguluhan kung sila lang mismo ang magbabasa ng mga ipinatutupad na batas sa ating bansa, dito ngayon papasok ang bagong pagtutulungan ng IABC at IBP para makagawa ng mga paraan upang ang ating mga batas at ang ating mga karapatan ay mas madaling maintindihan.
Ayon naman kay IABC Chairman Joe Zaldarriaga, na makabuluhan ang nasabing partnership ng IBP at ng IABC. Makatutulong upang madaling malaman ang karapatan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng kanilang organisasyon.
Ating abangan ang magiging bunga ng bagong partnership na ito ng IABC at ng IBP. Sigurado ako na malaki ang maitutulong nito para sa ating sistema nga ating hustisya para sa ikabubuti at ikauunlad ng lahat.
Comments are closed.