TULOY ANG BASA NG METRO NG MERALCO KAHIT NA MECQ

Magkape Muna Tayo Ulit

HETO na nga ba ang sinasabi ko sa iba sa ating mga kababayan na mabilis manghusga ngunit hindi alam o kaunti ang kaalaman sa isang paksa. Dahil dito, mali ang mga basehan nila sa kanilang mga pananaw.

Ang sinasabi ko ay ang mga kumakalat na tsismis na binabalaan ang Meralco na huwag manghula sa konsumo ng kanilang koryente sa pagbabalik ng modified enhanced community quarantine o MECQ sa lalawigan ng Rizal, Laguna, Bulacan at sa Metro Manila.

May kumakalat pa sa social media na tila may mahiwagang kristal na bola na may tatak ng Meralco. Tila nagpapahiwatig sila sa kanilang mga customer. May nakasulat pa na “MECQ na. Hulaan namin ang meter reading ninyo.”  Aysus. Pabiro man o hindi ang nasabing kumakalat sa social media, hindi ito nakatutulong sa mga kababayan natin na nahihirapan ngayon sa kasalukuyang sitwasyon na idinulot ng pandemyang COVID-19.

Kung ating matatatandaan, ang issue ng sinasabing kawalan ng pagbasa ng ating mga metro ay noong panahon ng ECQ. Naganap sa mga buwan ng Marso at Pebrero ang kawalan ng pagbasa ng ating mga metro ng koryente. Noong inilagay ng ating pamahalaan sa MECQ ang bansa, doon lamang nagsimulang  muling umikot ang mga nagbabasa ng metro ng koryente natin. Nagresulta ito sa patong-patong na babayarin natin o ang tinatawag na ‘bill shock’.

Tila napasakay pa yata ng mga netizen si Sen. Sherwin Gatchalian sa nasabing isyu at nagbigay ng babala sa Meralco at iba pang distribution utilities (DUs) na huwag ihinto ang meter reading.

Haller? Gugustuhin ba ng DUs na magkanda hetot-hetot muli sa pagsingil ng koryente? Huwag naman sanang ilarawan na mapagsamantala ang  DUs. Sila ay sumusunod lamang sa lahat ng polisiya  at alituntunin ng Energy Regulatory Commission (ERC). Imposibleng manghuhula ang mga ito sa koryenteng nakunsumo ng kanilang mga customer.

Kaya naman, nag-anunsiyo ang Meralco na hindi mahihinto at patuloy ang meter reading activities nila bagama’t ipinatutupad  ng ating pamahalaan ang MECQ. Bukod dito ay sinisiguro ng Meralco na ang kanilang mga business center ay bukas upang tumanggap ng bayad sa singil sa koryente ganoon din sa mga reklamo ng kanilang mga customer.

Ayon din sa Meralco, umaapela sila sa  local government units (LGUs) at mga barangay na kilalanin ang kanilang mga meter reader bilang mga ‘essential worker’ at payagan silang lumibot at  mag basa ng ating mga metro sa ilalim ng MECQ.

Sinisiguro rin  ng Meralco na lahat nga kanilang mga tauhan na lilibot sa ating mga barangay ay may angkop na kasuutan bilang panlaban sa pagkalat ng COVID-19.

Comments are closed.