Tuloy ang benepisyo kahit walang subsidy!

“Kung wala kayong subsidiya sa 2025, ano ang epekto nito sa ­aming nagbabayad ng premium?”

– Amore
Batangas

Hello, Amore. Una sa lahat, walang dapat ikabahala ang mga Pilipino. Bakit? Dahil may malakas na pondo ang PhilHealth na ka­yang bayaran ang benepisyo ng mga mi­yembro, at mga dependents nila.

Isa pa, Amore, sa kabila ng pagbawi sa subsidiya ng PhilHealth sa susunod na taon ay patuloy pa rin ang pagpapabuti ng mga benepisyo nito.  Kung matatandaan mo, nabanggit ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. na nakaambang itataas muli nang 50% ang ating Case Rates packages. Panga­lawang pagtataas na ng benepisyo ito mula sa naunang 30% na ipinatupad namin noong February 14, 2024. Sumatotal, higit pa sa 80% na pagtaas ‘yon!

Walang negatibong impact sa mga nagbabayad ng kontribusyon ang zero subsidy sa PhilHealth. Tuluy-tuloy pa rin ang paggamit ng mga miyembro ng benepisyo, at tuluy-tuloy ang pagbabayad namin ng claims ng mga PhilHealth-­accredited facility.

Kaya nga Amore, hinihikayat namin ang suporta ninyo. Hindi namin kayo pababayaan sa inyong pagpapagamot sa kabila ng mga patuloy na isyung ito. Kami ang bahala sa inyo. Hindi namin hahayaang madehado kayo sa inyong gastusing medikal. Patuloy kaming magsisikap para mapabuti pa ang inyong mga benepisyo.

Salamat sa iyong tanong, Amore. Magandang araw sa ‘yo at ­happy holidays!

MAY TANONG TUNGKOL SA INYONG PHILHEALTH?

Tumawag sa PhilHealth 24/7 hotline, 8662-2588. ­Bukas ang aming Action Center anumang oras at araw, pati weekend at holiday!

Matatawagan din kami sa mga numerong 0998-8572957, 0968-8654670, 0917-1275987, at 0917­1109812. Pwede niyo na ring ma-reach ang PhilHealth mula sa website! Pindutin lang ang Click-to-Call icon na makikita kapag nag-login sa www.philhealth.gov.ph.

 

BALITANG REHIYON


Pinangunahan ng PhilHealth Region XII ang orientation ­tungkol sa Konsulta Package sa higit 500 na PhilHealth members at dependents mula sa Barangay Mabuhay, ­General Santos City.