TULOY ANG LABAN NG MGA TAGA-ATIMONAN

Magkape Muna Tayo Ulit

NITONG Miyerkoles, ang mga militanteng grupo ay nag-rally na naman laban sa Meralco nang may lumabas na balita na ang Department of Energy (DOE) ay naglabas ng sertipikasyon ng Energy Project of National Significance (EPNS) sa ilang mga nakalinyang power plant na dapat itayo sa ating bansa. Ang mga ito ay ang Island Wind Energy Corp., na may 151.2 megawatts sa Talim Island, Binangonan at Cardona sa lalawigan ng Rizal. Ganoon din sa Aragorn Power and Energy Corp. sa may lalawigan ng Kalinga. May potensiyal na produksiyon ng koryente sana 120 hanggang 200 megawatts ang nasabing proyekto.

Ang pinakamahalaga rito na ginawaran ng EPNS ay ang Atimonan One Energy coal plant na maaaring makapagbigay ng 1,200 megawatts na mahalagang makatulong sa kinukulang na reserba ng koryente sa Luzon. Matagal nang nakabimbin ang nasabing power plant sa Atimonan. Handa na sila rito na umpisahan ang nasabing proyekto na nagkakahalaga ng halos P100 bilyon.

Tuwang-tuwa ang mga mamamayan ng Quezon, lalong-lalo na ang bayan ng Atimonan. Bakit? Dahil magkakaroon ng karagdagang hanapbuhay ang mga taong naninirahan doon. Maaaring libo-ibong mga taga-Atimonan ang makapasok sa trabaho sa pagtatayo ng nasabing planta. Pihadong manga­ngailangan ng mga trabahador dito. Dagdag pa riyan ay ang mga oportunidad na magtayo ng iba pang negosyo at ha­napbuhay sa paligid ng planta.

May mga kumokontra sa nasabing planta ng koryente. Sinasabing marumi raw ito at maaaring makasira sa ating kalikasan. Ang mahirap sa mga ito, malakas silang magbatikos subalit hindi naman sila matatawag na eksperto sa nasabing larangan. Sinasabi na nagbubuga raw ng maru­ming usok ang planta. Ha? Paano mang­yayari ‘yun? Eh hindi pa nga naitatayo ang nasabing planta!

Ngayon naman ay ang mga militanteng grupo ang nagra-rally laban sa paggawad ng EPNS sa Atimonan One Energy. Bakit? Dahil iniuugnay nila ang nasabing planta sa Meralco. Eh ano ngayon? Kung may kamalian ang pagkakaugnay ng Meralco sa Atimonan One Energy ay dapat hindi naaprubahan ito ng DOE sa simula’t sapul. Hindi ba? Nanggaling na nga sa DOE na ito ay mahalaga para sa ikauunlad ng bayan.

Ang tawag nga ng DOE rito ay isang “project of national significance”. Pero ganoon pa man, tutol pa rin ang mga militanteng grupo. Ano  ang gusto nila? Pa­tuloy na mahirapan ang taumbayan sa lahat ng mga problemang hinaharap natin? Walang solusyon? Ganyan naman talaga ang mga ito. Pulos batikos ngunit walang solusyon. Gusto nila ay malugi ang mga namumuhunan. Ngunit kapag mawala ang mga pribadong sektor na handang hawakan ito, babatikusin naman ang pamahalaan dahil wala raw silang magawa upang tugunan ito. Ano ba talaga, kuya?

Samantala, patuloy ang laban ng mga taga-Atimonan upang tawagan ng pansin ng DOE at ERC para sa proyekto  na alam nilang mahalaga. Alam din nila na ang mga makabagong planta ng koryente ay hindi tulad ng mga dating coal plant na nakasisira ng kalikasan.

Ayon sa presidente ng Municipal Agriculture and Fisheries Council na si Demosthenes Hernandez, dumulog silang mga residente ng Atimonan sa ERC upang ipakita ang kanilang suporta sa Atimonan One Energy at pati na rin sa ERC. Kinakatawan din nila ang iba pang Atimonanian na sumusuporta sa nasabing proyekto. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang isinagawang rally ay makikita ng mga commissioner ng ERC ang kahalagahan ng na­sabing proyekto. Ipagpatuloy ninyo ito. Kasangga ninyo ako rito!

Comments are closed.