TULOY NA TULOY ANG PASKO

HALOS  tatlong taon na mula nang manalasa ang pandemya sa buong mundo.

Ngayong halos wala nang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa, tila balik na sa dati ang lahat.

Magiging masaya na muli ang bawat selebrasyon ng Pasko sa ating mga tahanan.

Kung maaalala, ang pinakamalungkot daw na Pasko na naranasan sa Pilipinas ay noong Disyembre 25, 1941.

Noong panahong iyon kasi, walang puknat na binayo ng bomba ng mga pandigmang eroplanong Hapones ang Maynila.

Dahil doon, nawasak ang mga bahay, gusali, eskwelahan, simbahan at iba pang malalaking istruktura sa iba’t ibang lugar.

Maging ang Nichols Field sa lungsod ng Pasay ay pinulbos ng mga dayuhan.

Ang nakapanlulumo, tinarget ng mga kalaban ang isang pampasaherong bus na biyaheng Los Baños, Laguna na ikinasawi ng lahat ng mga pasahero.

Sa pananakop ng mga Hapones, hindi nangyari ang tradisyong palitan ng regalo at hindi rin natuloy ang masaya sanang reunion ng mga magkakamag-anak.

Sinasabing sa halip na mga awiting Pasko, ang ingay ng mga lumilipad na eroplano ang maririnig noong mga panahong iyon habang nagbabagsak ng bomba ang mga sundalong Hapones.

Ang madugong tagpong iyon ay bahagi na lamang ng kasaysayan ngayon habang ang takot natin sa pananakop ng mga pumasok na kalaban noong 2020—ang COVID-19 virus—ay naglaho na rin.

Sadyang napakabilis uminog ng panahon.

Karamihan sa atin ay waring nakatutok ang isip at mga plano para sa pagdiriwang ng dakilang araw at aminin man natin o hindi, iilan na lang sa atin ang nakakaunawa ng kahulugan at mensahe ng araw ng Pasko.

Sa mahabang panahon, dahan-dahan na ring inagaw ng komersyalismo ng pagdiriwang sa araw ng Pasko ang ating atensyon na katulad ng mga batang musmos ay anyong nasa isip natin kung anong damit ang ating isusuot o saan tayo bibili o kung may sapat ba tayong pambili para sa Christmas Day.

Naglalaro at umaapaw din sa ating mga isipan ang mga bagay na ating bibilhin tuwing Pasko.

Nakalulungkot ngang isipin na lahat ay nakatuon sa sarili at hindi sa Diyos na nagkatawang tao para sa katubusan ng kasalanan ng sangkatauhan na patunay ng walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa atin.

Nagdudumilat din ang katotohanan na sa bilis ng panahon ay nakakalimutan na natin ang magnilay at bigyang-pansin ang naging kalagayan ng anak ng Diyos na Kristo-Hesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan.

Kaya ngayong araw ng Pasko, pansamantala nating isantabi ang ating materyal na hangarin at pagnilayan natin ang pagmamahal na ipinadama sa atin ng Maykapal.

Maligayang Pasko po sa ating lahat!