TULOY NA TULOY NA ANG BULACAN AIRPORT

Magkape Muna Tayo Ulit

ANG matagal nang nakabinbin na panukala ng San Miguel Corporation (SMC), isa sa pinakamalaking korporasyon sa ating bansa, na magtayo ng isang international airport sa lalawigan ng Bulacan ay matutuloy na.

Inaprubahan na ng DOTr ang proyekto ng SMC na magtayo ng malaking paliparan na nagkakahalaga ng P735 billion. Ang hangad ng nasabing proyekto ay upang maging isang alternatibo sa luma at maliit na Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Napababalita kasi na ang NAIA ay tila masikip na sa dumarami at nagdadagsaan na pasahero.

Tatlong taon din ang inabot bago maaprubahan ng gobyerno ang proyektong ito na pinanukala ni Ramon Ang. Nag-ugat kasi ito matapos na ilang isyu sa NAIA na nagresulta sa mga delayed flight ng mga airline at samu’t saring problema dulot ng mabagal na pag-upgrade ng mga pasilidad nito.

Dumaan sa mara­ming batikos ang plano ng SMC. Marami ang nagtanong kung bakit kailangan pa magtayo ng paliparan sa Bulacan samantalang nasa pagitan ito ng dalawang nag-o-operate na airports. Ang NAIA sa Metro Manila at ang Clark International Airport sa Pampanga.

Marami ang nagsasabi na mas maliit lang ang kakailanganin na gastos at panahon upang ayusin ang Clark International Airport. May mga kasalukuyang international flights na roon.

Ako ay sang-ayon na napapanahon na upang alisin na ang NAIA sa Metro Manila. Kinain na ng progreso at panahon ang lokasyon nito. Totoo nga na malapit ang NAIA sa Metro Manila. Nguni’t nakadadagdag sa problema ng trapik ito sa Metro Manila. Kung ating ihahambing ang makabagong paliparan sa mga ibang bansa, sadyang inilalayo nila ang pagtatayo ng bagong paliparan nila sa siyudad.

May dahilan ito. Una ay sa kaligtasan ng mga nakatira na malapit sa airport. Huwag sana mangyari, subali’t kapag may bumagsak na erop­lano habang pa-landing ito, maaring maraming mga residente malapit sa paliparan ang madi­disgrasya.

Nangyari na ito noong buwan ng Dis­yembre 2011 kung saan may isang maliit na eroplano ang bumagsak malapit sa NAIA na kumitil ng 14 na buhay. Marami rin ang nasunog na bahay. Huwag naman sana maulit ito. Subali’t maaring maiwasan ito kapag ilalayo natin ang ating mga paliparan sa hindi mataong lugar tulad sa planong puwesto ng Bulacan Airport o sa Clark.

Mag-uumpisa na raw ang konstruksiyon ng SMC sa nasabing airport sa Bulacan. Ipinakita na nila ang plano ng airport at tila napakaganda. Wala akong alinlangan na magagawa ito. Eh proyekto kasi ito ng SMC! Ayon sa plano, mahigit sa 200 milyon na pasahero kada taon ang kayang hawakan nito.

Maganda ang kompetisyon. Maaring hudyat ang proyekto ng SMC upang tignan ng ating gobyerno o iba pa sa pribadong sektor upang ayusin at pagandahin din ang Clark International Airport o ang NAIA. Ang mahalaga ay tayong mga tao ang makararanas ng ginhawa tuwing tayo ay gagamit ng mga paliparan na ito.

o0o

Congratulations sa aking anak na si Michael Jeramie B. Sison na nagtapos ng kolehiyo sa kursong Intergrated Marketing Communications sa University of Asia and the Pacific. Napakaganda ng pakiramdam bilang isang magulang na makapagpatapos ng pag-aaral ang kanilang anak. Totoo nga ang sinasabi ng ibang mga  magulang na ang pagbigay ng sapat na edukasyon sa kanilang anak ay ang tanging yaman na maari mong maiwan sa kanila.