TULOY NA TULOY PA RIN ANG PASKO

alex santos

MARAMING trahedya at kalamidad ang dumating sa bansa ngayong taon.
Sa unang bahagi ng 2020, pumutok ang Bulkang Taal na naging dahilan para mawasak ang mga gusali, bahay, tulay at mga kalsada.
Nagkaroon din ng mga paglindol.
Sumunod naman ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na hanggang ngayon ay patuloy na nagpapahirap sa mga Filipino.
Ngayong huling bahagi o quarter ng taon, mula Oktubre hanggang nitong Nobyembre, nanalasa naman ang magkakasunod na bagyo.
Nariyan din ang banta ng dengue at leptospirosis kaya patuloy na nagpapaalala ang Department of Health (DOH) na panatilihin ang kalinisan sa kapaligiran. Maraming bata raw ang nagkaka-dengue sa ganitong panahon.
Ngunit sa kabila nito, tuloy pa rin ang pagdiriwang natin ng Pasko.
Kaya maghihigpit daw ang Joint Task Force (JTF) Covid Shield sa pagpapatupad ng health protocols ngayong holiday season.
Kasunod ito ng kautusan ni Interior Secretary Eduardo Año upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga mamimili sa mga pamilihan at commercial areas.
Magtatalaga ang pulisya ng focal persons sa bawat barangay na siyang magmo-monitor sa implementasyon ng quarantine measures habang ipasasara naman daw ang malls na makikitaan ng mga paglabag.
Sa kalagitnaan naman ng buwang ito, magsisimula na ang Simbang Gabi. Dadalo ang bawat deboto sa siyam na madaling araw na misa para sa paghahanda sa pagsilang ng Dakilang Manunubos.
Hindi maitatanggi na isang matandang kaugalian ng mga Filipino ang Simbang Gabi o Misa de Gallo na sinasabing nagmula sa Mexico.
Tutunog ang mga kampana sa simbahan alas-3 pa lamang ng madaling araw na waring nanggigising sa mga mananampalataya para mabuo ang siyam na gabi na misa. Dito’y binabasa at kinakanta ang mahahalagang liturhiya.
Bukod sa limitado pa rin naman ang kapasidad ng mga simbahan, sa unang Misa de Gallo ay tiyak na halos walang tao bunsod ng pandemya.
Inaasahan nang mababawasan ang bilang ng mga magsisimbang gabi pero dapat nating unawain ito dahil sa krisis. Sabi nga ng iba, mapalad pa rin daw ang mga nakakabuo ng siyam na Simbang Gabi.
Siyempre, may kanya-kanyang dahilan ang bawat deboto. Ang ilan ay personal at pansariling kapakanan ang ipapanalangin habang kakaunti lang din ang masasabing taimtim ang pagdarasal at mula sa puso ang paghiling sa Diyos ng mga bagay na para sa benepisyo ng marami.
Sa mga magsisimbang-gabi ngayong taon, ilan kaya ang nagdarasal para sa katiwasayan, kapayapaan at kaligtasan ng bansa at ng buong mundo laban sa COVID-19?
Ilan kaya ang mananalangin na sana’y umunlad ang kabuhayan ng sambayanan at mahinto na ang mga kaguluhan sa Mindanao at iba pang gawain ng mga masasamang elemento at matigil na ang pangungurakot ng mga tiwali sa gobyerno?
Sa mga makakabuo ng siyam na simbang gabi, hangad natin na makamtan ninyo ang inyong mga kahilingan ngayong Pasko at sa mga susunod na taon at ipagdasal din po natin na maglaho na ang COVID-19 at wala nang mananalasang kalamidad sa ating bansa.
Huwag din po nating kalimutang sumunod sa minimum health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Comments are closed.