MAS mainam ngayon na dahil inabot na ng midterm election ay mas mahabang panahon ang naibigay nito sa pag-educate sa mga mamamayan ukol sa Bayanihan Federalism. Ang Bayanihan Federalism ay pinaniniwalaang siyang susi sa pag-asenso ng bansa at para masolusyunan ang lumalawig na pagkakalayo ng kita ng iilan kumpara sa mga ordinaryong mamamayan.
Ito na ang sagot upang mapahina ang kontrol ng oligarkiya sa pamahalaan at mapaigting ang kapangyarihan ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-eestablisa ng mga Federated Region na mag-e-enjoy ng power-sharing sa National Federal Government.
Sa ilalim ng Bayanihan Federalism ay magkakaroon ng mas malaking pondo ang mga rehiyon at hindi na makokopo ng isang naghaharing pamahalaan. Nasa 50% na lamang kasi ang mapupunta mula sa kita ng mga Federated Region sa National Federal Government at ang 50% o higit pa ay maiiwan at mapupunta na sa Federated Region upang ipantustos sa kani-kanilang mga programang pag-asenso.
Lalong mapapalakas ang demokrasya sa ilalim ng Bayanihan Federalism, mabubuwag nga lamang ang centralized o unitary form of government na siyang playground ng oligarkiya sa bansa.
Alam ba ninyo, mga kamasa, na ang kita ng 25 indibidwal sa Filipinas na pawang mga bilyonaryo ay katumbas ng pinagsama-samang kita ng 25 milyong mga Filipino?
Dapat magbago na ito, dahil hindi lamang ito bansa ng 25 tao kundi ng 100 milyong mga Filipino.
Ang Bayanihan Federalism ay hindi agarang solusyon sa mga suliranin ng bansa ngunit simula ito ng tunay na pagbabago sa Filipinas na magpapatuloy hanggang sa mga susunod na henerasyon ng mga Filipino.
Nararapat na maintindihan ng bawat Filipino ang Bayanihan Federalism upang hindi basta-basta mapadala sa mga bumabatikos dito. Ang pagsugpo sa epidemya sa droga ay unang hakbang lamang para masiguro na maganda ang kinabukasan ng bansa, ang magsisiguro nito ay isang sistema ng pamamahala na lalansag sa pagmamanipula sa masa.
Magandang pagkakataon ito na magkaroon ng sapat na panahon upang ma-educate ang mamamayang Filipino na sa ngayon ay inihahatid sa mga lalawigan sa pamamagitan ng isang Federalism Roadshow at weekly media public forum.
Sa diwa ng bayanihan, ating isulong ang Bayanihan Federalism para sa tunay na pagbabago!