MAPAPAWI na ngayon ang pangamba ng micro, small and medium enterprises o MSMEs, kasama na ang mga nasa agricultural sector, food productions, backyard businesses at maging ang iba’t ibang lokal na pamahalaan na kabahagi at may malaking pakinabang sa ‘One Town, One Product’ (OTOP) Next Gen program ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ito’y makaraang ipabatid ni House.Deputy Minority Leader at Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat ang pag-apruba ng House Committee on Appropriations sa iniakda niyang House Bill (HB) No. 7312 o ang One Town, One Product Philippines Act of 2021, na naglalayong ma-institutionalize o maging isang regular at tuloy-tuloy na proyekto ng pamahalaan ang OTOP program.
Taong 2002 nang imungkahi ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang OTOP program bilang isang promotional activities ng Department of Budget and Management (DBM) para sa maipagmamalaking produkto ng bawat lokalidad sa bansa, subalit 2004 na ito nailunsad at nagtagal lamang hanggang taong 2010.
Sa ilalim ng nakaraang Aquino government ay ibinalik ito at sa administrasyon naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pinalawig at naging isang stimulus program para sa sektor ng MSMEs kung saan tinatawag na itong OTOP Next Gen na pinangangasiwaan ng DTI.
Kaya naman sa pagbibigay basbas ng nabanggit na komite sa HB 7312, sinabi ng kongresista na bukod sa magiging regular na programa na ng DTI ang OTOP Next Gen nito ay siniguro rin ang paglalaan ng kaukulang pondo para rito, na isasama sa aaprubahan ng Kongreso na taunang badget ng pamahalaan.
Dahil dito, tiwala ang partylist solon na ang iba’t ibang produkto ng mga magsasakang Filipino ay maibebenta sa pamamagitan ng MSMEs.
“Bukod d’yan, darating ang araw na ang bawat bayan ay magkakaroon ng produktong maipagmamalak at maipagpapatuloy ng bawat pamilyang Filipino,” dagdag pa ni Cabatbat.
Noong 2019, iniulat ng DTI na umabot sa P1.41 bilyon ang kinita ng nasa 37 OTOP Philippines hubs o OTOP.Ph na nasa iba’t ibang bahagi ng bansa at mayroon namang 10,819 MSMEs ang natulungan sa pamamagitan ng OTOP program habang aabot sa 6,771 na iba’t ibang produkto, na karamihan ay agriculture-based, ang napagkalooban ng ‘product development services’ ng ahensiya.
Sa ilalim ng 2020 national budget, may panukalang buhusan ng P200 milyon ang OTOP Next Gen, at sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA) ay isinusulong ni Cabatbat na maglaan ang DTI ng kung hindi man higit pa ay hindi naman mas mababa sa nabanggit na halaga ang pondong ibibigay ng ahensiya para sa naturang programa.
Bukod dito, nais din ng Magsasaka partylist solon na magkaroon ng OTOP office at magpalabas ng sarili nilang pondo ang bawat local government unit, na aatasang magpakilala, magparami ng produksiyon at nagnanais na mapataas ang kita ng ipinagmamalaki nilang produkto na maibebenta kapwa sa local at international markets. ROMER R. BUTUYAN
179772 259845Just wanna remark which you have a quite nice web website , I like the layout it truly stands out. 545116