Tuloy-tuloy na paglaki ng benepisyo, tiniyak ng PhilHealth

Ito ang mariing tiniyak ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. bunsod ng sunod-sunod na anunsiyo ng paglawak at paglaki ng mga benefit package ng ahensiya na nagsimula pa noong nakaraang taon. 

Hindi maikakaila na nakikita at nararamdaman na ng mga miyembro ang mas pinagbuting benepisyo nila sa PhilHealth. Sinimulan natin ito sa dialysis kung saan sinagot na natin ang lahat ng sesyon sa isang taon at itinaas pa ang bayad sa bawat sesyon,” giit ni Ledesma.

Matatandaang mula sa 90 ay ginawang 156 sesyon na ang sakop ng PhilHealth, at mula P2,600 ay itinaas sa P4,000 ang kada sesyon, na papalo sa P624,000 kada taon mula sa dating P405,600. Idagdag pa na permanente na at ginawa pang “no balance billing” ito ng ahensiya para masigurong mararamdaman ito ng mga pasyente. 

Naririnig namin ang hinaing ng mga kababayan natin na matulungan sila sa magastos na pagpapagamot. Nakikita at nararamdaman natin iyan sa ating pakikipag-panayam sa mga pasyente. Minamadali namin ang pagpapabuti ng mga benepisyo. Sinimulan lamang namin ito sa mga malulubhang sakit dahil talagang nakakabutas ng bulsa ang gamutan gaya ng breast cancer, pulmunya, stroke, asthma at iba pa,” paliwanag ng hepe ng PhilHealth. 

Kami po ay humihingi ng kaunting pag-unawa sa ating mga kababayan, sapagka’t ang pagpapalawak ng mga serbisyo ay nagmumula sa masinsin at maigting na proseso ng pag-aaral, hindi lamang upang maisaayos ito, ngunit para mailunsad ito sa paraang makabubuti sa nakararami. Walang pagod ang mga kasamahan namin para itaas at palawakin ang mga benepisyong ito upang ipadama sa mga pasyente ang kalinga ng ating pambansang kaseguruhan,” aniya.

Ayon sa health insurance agency, higit-dobleng umento ang ipinatupad nito sa hemorrhagic stroke (P80,000 mula P38,000), ischemic stroke (P76,000 mula P28,000), bronchial asthma (P22,488 mula P9,000), neonatal sepsis (P25,793 mula P11,700), at iba pa.

Ibinida rin nito ang 1,400 porsyentong pagtaas sa Z benefit package sa breast cancer, o hanggang P1.4 milyon mula sa dating P100,000. Idinagdag din ang ultrasound at mammogram sa Konsulta package na libreng mapapakinabangan ng mga kababaihan para maagapan ang breast cancer. Ito ay bukod pa sa 13 laboratoryo at 21 gamot na kasalukuyang makukuha nang libre mula sa higit 2,000 Konsulta providers sa bansa.         

Nitong Pebrero, lahat ng case rates ay itinaas ng 30 porsyento, at isa pang paghigit ng 30 porsyento ang ipatutupad ng PhilHealth bago matapos ang taong 2024. Sa isang panayam ay pinatotohanan ni Dr. Jose Rene de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na, “there was an increase by 30 percent and I think another 30 percent, so magiging malaki na ‘yan, magiging 60 percent na ‘yan. Okay na ho ‘yan, basta walang babayaran halos ang pasyente,” wika niya.

Bukod dito, asahan din ang paglaki sa iba pang benepisyo bago matapos ang taon tulad ng chemotherapy para sa kanser sa baga, atay, cervical at prostate, kasama na rin ang emergency care, open-heart surgeries, ischemic heart disease with myocardial infarction, ST Elevation Myocardial Infarction (STEMI), cataract extraction, peritoneal dialysis, post-kidney transplant, physical and medical rehabilitation, at malubhang dengue.

Iginiit pa ni Ledesma na ang mga hakbanging ito ay para mapagaan ang gastusin ng pasyente sa pagpapagamot at mailaan ang kanilang pera sa iba pang mahalagang bagay.    

Sa pinagbuting mga benepisyo ay hindi na kailangang mangutang o magsangla ang ating mga kababayan. Sasagutin ng PhilHealth ang malaking bahagi ng gastos sa mga admission sa ward accommodation ng mga ospital, pampubliko man o pribado. Higit sa lahat, mas mapagtutuunan nila ang pagpapagaling mula sa kanilang karamdaman,” pagtatapos niya.