“HINDI sapat ang aksiyon ng mga sangay ng pamahalaan na dapat tumutok sa problema ng Banaue Rice Terraces sa Ifugao”.
Ito ang sinabi ni Senadora Imee Marcos matapos lumabas ang ulat ng United Nations Food and Agricultural Organization o FAO na umabot sa “very critical stage of deterioration” — ang Banaue Rice Terraces na dating isa sa mga ipinagmamalaking yaman ng Filipinas.
“Nananawagan ako sa lokal na pamahalaan ng Ifugao, sa Department of Environment and Natural Resources, sa Department of Tourism at maging sa Department of Agriculture, magtulungan tayo rito. Pangalan ng bansa ang nakataya rito,” giit ni Marcos.
Nangangamba rin si Marcos, chair ng Senate Comittee on Cultural Communities na baka tuluyang mabura sa mapa ng Filipinas ang Banaue Rice Terraces na isa sa napapabilang sa UNESCO World Heritage Site.
“Aksyunan ninyo agad! Kailan pa tayo kikilos, kung tuluyan na itong nawasak? May panahon pa tayo, gawan natin ng paraan! Ipaalam natin sa publiko kung ano-ano ang gagawin nating habang, “ diin ng senadora.
Lumabas sa ulat ng FAO na ilan sa mga dahilang nakita kung bakit nasisira ang Banaue Rice Terraces ay ang environmental degradation o pagkasira ng kalikasan, unregulated development at neglect o napapabayaan dahil sa urbanisasyon.
Batay pa sa datos, mula sa 1,670 ektarya nito na mga lupang pang-agrikultura, 600 ektarya rito ay abandonado at ngayon ay nangangailangan ng rehabilitasyon.
Iminungkahi rin nito, ang paglalatag ng isang komprehensibong plano at paghingi ng tulong sa mga eksperto para matalakay at masolusyunan ang problema rito.
“May paraan kung talagang aaksiyunan. Magsabi kayo kung kailangan niyo ng tulong, may pondo ang gobyerno. ‘Wag band-aid solution! ‘Yung pang-matagalang solusyon dapat,” dagdag pa ng senadora.
“Kultura at kasaysayan natin ang posibleng mawala pag tuluyang pinabayaan at masira ang Banaue Rice Terraces. Pinagmamalaki nga natin ‘yan! Tinuturo pa sa mga aklat ng mga estudyante. Eto nga, ‘wag naman sana umabot na sa huli tayo magsisi,” hirit pa ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.