CAVITE – HIMAS-REHAS ang live-in partners matapos arestuhin ng mga tauhan ng Alfonso Police Station sa Cavite.
Kinilala ang dalawang naaresto na sina Pacholo Castillo, 50, at Analie Vidallon, kapwa resident ng Barangay Poblacion 5 sa Alfonso.
Sinabi ni Police Maj. Edward Cantano kabilang ang dalawa sa Top 10 most wanted persons sa buong lalawigan ng Cavite dahil sa kasong 18 counts of falsification of public document by a private individual.
Isinilbi sa dalawa ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Gonzalo Mapili Jr., at may petsang Setyembre 17, ngayon taon.
Nabatid na P55 milyon ang sinasabing huling natangay ng dalawa mula sa isang negosyante para sa isang lupain sa Alfonso.
Ang modus ng dalawa ay kukuhanin na ang bayad sa biktima bago sila magpapakita ng mga pekeng dokumento mula sa bangko, pekeng special power of attorney (SPA), pekeng titulo ng lupa at pekeng electronic certificate authorizing registration mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Nagrekomenda ang korte ng P1.2 milyong piyansa para sa kasong kinahaharap nina Castillo at Vidallon.
PMRT