TUMANGAY NG PINAPASADANG TAXI TIMBOG

KULUNGAN ang binagsakan ng isang taxi driver matapos ta­ngayin ang pinasadang taxi na mula sa Valenzuela City nang masakote sa isang sabungan habang naghihintay ng pasahero sa lungsod ng Parañaque, Biyernes ng gabi.

Ang nasabing suspek ay nakilalang si Danilo Talan, 48, biyudo ng No. 5 Robin Jr. St., Richland Subdivision, Sauyo, Novaliches Que­zon City, na nahaharap sa kasong R.A. 10883 o Anti-Carnapping Law at Estafa thru swindling sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, unang tinanggap ang suspek ni Valera Modesto, Jr. 45, taxi ­operator, para ipasada ang kanyang taxi noong Hulyo 5 at nagkasundo ang mga ito na P1,500 ang bayad sa boundary.

Gayunman, mula noon, hindi na nakipag-ugnayan si Talan kay Modesto at hindi na rin ibinalik ang taxi na na­ging dahilan upang magsampa ng reklamo ang biktima sa Anti-Carnapping Unit ng Valenzuela police.

Bandang alas-7 ng gabi nang makatanggap si Modesto ng tawag mula sa kanyang kapwa operator na ang kanyang nawawalang taxi ay nakita sa harap ng Roligon Cockpit Arena sa Quirino Avenue, Parañaque City.

Walang inaksayang oras si Modesto, kasama si Gregorio Caligua, Jr. ay pinuntahan ng mga ito ang naturang lugar at makalipas ang isang oras na biyahe ay naabutan nila ang suspek na papaalis na sa lugar sakay ng tinangay na taxi. EVELYN GARCIA

Comments are closed.