“ANG akala ng mangmang ay siya lamang ang tama, ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.” (Pv 12:15) Ginawa ng Diyos ang tao na may angking talino. Nilikha tayo sa larawan ng Diyos. Ang sabi ng bayani nating si Dr. Jose Rizal, “Ang hiyas ng isip na ipinalamuti sa atin ng DIyos ay dapat nating paningningin at gamitin. Para siyang isang amang nagbigay sa bawat isang anak ng kanya-kaniyang tanglaw sa paglalakad sa dilim. Paningasin nila ang liwanag ng ilaw, alagaang kusa at huwag patayin.”
Tama talagang hasain at gamitin natin ang ating pag-iisip para malaman kung ano ang daang dapat tahakin sa ibabaw ng lupa. Subalit itinuturo rin ng Bibliya na dahil sa kasalanan, nasira ang larawan ng Diyos sa loob natin. Para itong salaming nabasag. Hindi na lubos na maaasahan ang bunga ng ating pag-iisip. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating humingi ng payo mula sa mga taong may pinatunayang talino. Ang sabi ulit ni Rizal, “Huwag nating pabayaang gamitin ang mga pagbubulay-bulay ng ibang tao at ang mga halimbawa at payong iniwan nila para sa atin.”
Ganito rin ang itinuturo ng Diyos sa Bibliya. Tinatawag ng Diyos na hangal ang mga taong nagmamarunong at ayaw makinig sa payo. At tinatawag Niyang matalino ang mga mahusay makinig. Ang ating pang-unawa ay hindi kumpleto. Mayroon tayomg hindi nakikita. ‘Pag tayo ay nakikinig sa iba, lumalawak ang ating pang-unawa. Nakakaiwas tayo sa maraming pagkakamali. May kasabihan, “Ang natututo sa sarili niyang pagkakamali ay matalinong tao; ngunit ang natututo sa pagkakamali ng iba ay marunong na tao.” Mas mataas ang dunong kaysa sa talino. Ang matalino ay dapat munang magkamali bago matuto. Malaki ang kanyang kabayaran. Subalit ang mga marunong, hindi pa sila napapariwara, nang makita nila ang pagkakamali ng ibang tao at ang mga masakit na kabayaran nila, natuto na sila. Umiiwas sila sa mga pagkakamali ng ibang tao.
Mahal ang prinsipyong ito na maaari nating gamitin sa ating pangangasiwa ng pera. Kung babalaan ka ng mga matatalinong tao na umiwas sa isang gawaing makasasama raw sa iyo, subalit hindi ka nakinig, kaya tuloy ay napahamak ka, at nagsisi sa huli, hangal ka! Kung nakinig ka sa babala nila at nakaiwas sa sakuna, marunong ka.
Ang kabataan ay mapusok. Kung minsan ay pabigla-bigla silang magpasiya.. Naaalala ko, noong ako ay 24 years old, nagtrabaho ako sa Institute for Small Scale Industries, at naudyok akong magnegosyo. Dahil sa katipiran ko, marami akong ipon noon. May apat na matatandang taong naghikayat sa aking magnegosyo kami. Magtatayo raw kami ng isang minimg company para makuha ang mga ginto sa isang bundok sa Dipaculao, , Quirino Province. Dahil sa akingkatangahan, pumayag akong ako lang ang financier. Nang makita ng ama ko ang Aincorporation papers namin, nagitla siya, at pinayuhan niya ako; binalaan niya ako na baka niloloko lang ako ng mga kapartner ko. Nainis ako sa ama ko at hindi ako nakinig sa kanyang babala. Sa kataputapusan, tama ang ama ko. Naloko ako. Naubos lahat ng ipon ko. Labis akong nasaktan sa pangyayari. Kaya ang payo ko: making tayo sa payo ng mga matatalino.
Saan hihingi ng payo ukol sa wastong pangangasiwa ng pera? Unang-una sa lahat ay ang Banal na Kasulatan. Dapat tayong magbasa ng Bibliya at magmemorya ng mga talata na may kinalaman sa kaperahan. Pangalawa, humingi tayo ng payo mula samga maka-Diyos na tao – pastor, pari, at mga taong may maraming karanasan. Pangatlo, making tayo sa payo ng ating asawa. Ibinigay ng Diyos ang ating asawa para maging ating katuwang sa paglalakad sa buhay na ito. Sinabi ng Diyos, “Hindi mabuting nag-iisa ang lalaki. Gagawa ako ng makakatulong niya na angkop na angkop sa kanyanng pangagailangan.” Kaya ginawa ng Diyos ang babae. May perspektibo ang asawa nating wala tayo. May kasabihan, “Two heads are better than one.” (Mas mainam ang dalawang ulo kaysa sa isa). Pang-apat, makinig tayo sa payo ng ating mga magulang. Marami na silang pinagdaanan. Marami na silang mga pagkakamaling nagawa na kanilang napagkunan ng aral na puwede nilang ipasa sa atin. Panlima, makinig tayo sa mga taong eksperto. May mga taong dalubhasa o may malawak na pag-aaral sa kanilang propesyon. May mga taong eksperto sa pangangasiwa ng pera. Kapanayamin natin sila.
Sana ay magkaroon tayo ng “lupon ng mga tagapayo”, Lahat ng mga pinuno ng mga bansa at mga hari ay mayroon nito. Higit sa lahat, tanggapin natin ang “payo ng Panginoon” mula sa Bibliya, mula sa Banal na Espiritu na nasa ating puso, at mula sa mga pastor ng Diyos.
Iwasan natin ang mga payo ng masasamang tao. Makikita naman natin sa uri ng pamumuhay kung masama ang isang tao – walang takot sa Diyos, nananakit ng asawa at mga anak, at maraming bisyo. Umiwas tayo sa mga payo ng mga manghuhula. Ang karamihan sa mga ito ay mga manloloko at walang alam. Gumagamit pa sila ng baraha, tawas, crystal ball, at kung ano-ano. Puro kaululan ang lahat nang ito. Mga swindler ang mga ito. Huli sa lahat, iwasan natin ang payo ng mga taong may makasariling interes. Kung may nagbebenta sa iyo ng anumang produkto o financial schemes, mag-ingat ka sa kanilang mgamabulaklak na dila. Siyempre, sasabihin nilang magandang puhunan ang ibinebenta nila. Ang interes nila ay mabentahan ka para kumita sila ng pera. Huwag tayong maging mga uto-uto. Maging matatalino tayo.
Tandaan: Sa kakasingko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.