TUTUTUKAN ng Department of Agriculture (DA) para tugunan ang tumataas na presyo ng luya.
Batay sa price monitoring ng DA, umaabot sa hanggang P300 ang presyo ng kada kilo ng luya sa ilang palengke sa Metro Manila na malayo sa P80-P100 na dating bentahan nito.
Paliwanag ni DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, ang pagtaas ay posibleng dahil kasama rin ang mga pananim na luya sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Bukod dito, tumaas din, aniya, ang demand ngayon ng industrial users sa luya, partikular ang mga gumagawa ng herbal tea.
Inaasahan naman ng DA na bababa rin ang presyo ng luya sa merkado lalo’t may mga papasok na imported na luya mula Vietnam at Indonesia.
Katunayan, ngayong Oktubre lamang ay nasa 350 MT ng karagdagang imported na luya ang papasok sa bansa.
Samantala, tututukan ng DA ang mga palengke para masigurong hindi nananamantala sa presyuhan ng luya ang mga tindera. PAULA ANTOLIN