ABRA- PATAY ang isang 52-anyos na kandidato sa pagka-kagawad makaraang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa Bucay sa lalawigang ito.
Ayon kay Comelec Chairperson Erwin Garcia, nakatanggap sila ng ulat na isang kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang binaril at napatay.
Sa isang panayam kay Jet Alcade, ang biktima ay nakilalang si Catalino Torralba Sr, kung saan ang biktima ay naka-backride sa isang motorsiklo at patungo sa Brgy. Palaquio, Bucay nang maganap ang pananambang.
Sinabi pa ni Garcia, ang poll body ay nakakatanggap ng mga ulat tungkol sa mga problemang may kinalaman sa halalan sa Abra, partikular sa Bucay.
Ayon pa kay Garcia na naghihintay ang Comelec ng pormal na ulat sa insidente ng pamamaril para makapagdesisyon ang Comelec kung paano ito aaksyunan.
Kinumpirma rin ng Comelec na may kabuuan ng 139 na kandidato sa Abra ang umatras sa BSKE, habang pati ang mga guro na tatayo bilang election officer ay nagsi-urong na rin kahit wala namang naiulat na may mga pagbabanta sa mga ito.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang komisyon sa DILG at PNP upang alamin ang mga dahilan sa naturang mga insidente. EVELYN GARCIA