TUKOY na ng Malacanang ang mga tumulong para makaeskapo palabas ng bansa sina dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kapatid nitong sina Shiela Guo at Cassandra Li Ong.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., batay sa kanyang ipinag-utos na imbestigasyon, mga empleyado ng Bureau of Immigration ang nasa likod ng pagpuslit sa bansa ni Guo at mga kasama nito.
Ang pahayag ay sinabi ng Pangulo sa sidelines ng oath taking ceremony ng bagong halal na opisyal ng iba’t ibang media groups kahapon sa Malacanang at iginiit sa mga mamamahayag na pursigido ang pamahalaan na parusahan ang naging kasabwat ni Guo.
Sinabi pa ng Pangulo na malapit nang matapos ang imbestigasyon, ayon sa ulat sa kanya ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ang DOJ aniya ang tutukoy sa mga kasabwat ni Guo.
“The DOJ will be able to “identify all of those who are involved in this,” dagdag pa ng Pangulo.
Tiniyak din ng Punong Ehekutibo na kumikilos nang mabilis ang pamahalaan sa kaso ni Guo.
“That’s what the last part of this — how far, how deep does it go, isa lang bang tao ang involved, or marami sila, o sindikato ito. That’s what we’re looking at now. There are no sacred cows,” giit pa ng Pangulo.
EVELYN QUIROZ