TUMULONG SA PAGHANAP NG SOLUSYON, ‘WAG SA PAGLIKHA NG SULIRANIN

Joes_take

ANG FILIPINAS ay karaniwan nang nadaraanan ng mga bagyo. Taon-taon ay umaabot hanggang sa 20 ang bilang ng mga bagyong dumadaan at tumatama sa bansa dahil sa lokasyon nito sa rehiyon ng Pasipiko. Nitong nakaraan lamang ay tumama ang ika-10 bagyo na pinangalanang ‘Jenny’ na tumama sa Gitnang Luzon. Ito ay nagdala ng matinding pag-ulan at pagbaha sa Silangang bahagi ng Luzon.

Upang makasiguro na maiwasan ang mga insidenteng naiipit sa baha at nahihirapang makauwi ang mga empleyado at mga mag-aaral sa Metro Manila dahil sa walang masakyan bilang resulta ng pagbaha, itinaas ang antas ng bagyo sa mga pangunahing lungsod ng Metro Manila. Bunsod nito, maraming paaralan ang nagkansela ng klase. Isang magandang balita naman na lumihis ang bagyo at hindi na gaanong naapektuhan ang Metro Manila sa pagdaan ng nasabing bagyo. Ngunit hindi naman ito ikinatuwa ng ilang mga magulang na nakansela ang klase ng kanilang mga anak kahit wala namang malakas na pag-ulang naganap.

Sa prediksiyon kasi ng PAGASA, sa Metro Manila direktang tatama ang bagyong Jenny kaya nag-anunsiyo ng signal warning ang nasabing ahensiya. Kung hindi lumihis ang bagyo, malamang ay nagkaproblema na naman dahil sa pagbaha ang mga naglalabas-pasok sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Ang taunang dami ng pag-ulan sa Metro Manila ay isa sa maituturing na pinakamabigat sa lahat ng siyudad sa buong mundo. Ito ay karaniwang nasa 2,000 millimeters sa Manila Bay area at 3,000  millimeters sa kabundukan ng Marikina, San Mateo, at Rodriguez.

Lahat ng tubig ulan ay may pupuntahan. Ang mga pangunahing daluyan ng tubig, ang Ilog Pasig at Ilog ng Meycauayan (malapit sa Valenzuela) kasama ng mga nakarugtong sa mga ito, ay dumadaloy lahat papunta sa Manila Bay. Ito ang nagsisilbing likas na meka­nismo ng pag-aalis ng mga tubig.

Marami ang tumutukoy sa climate change bilang dahilan ng mga nangyayaring pagbaha sa Metro Manila ngunit ayon sa mga eksperto, may iba’t iba pang sanhi ito. Ito ang dahilan kung bakit hindi dapat ibunton sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagbaha sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila dahil sa Habagat at mga low pressure area.

Isang nasyonal na limbagan ang gumawa ng istorya ukol sa report ng Commission on Audit (COA) noong 2018 na nagsasabing hindi raw naging matagumpay ang MMDA sa pagtapos ng mga proyekto nitong may kinalaman sa pagbibigay solusyon sa pagbaha sa Metro Manila.   Sa mga hindi nakaaalam, ang COA ang ahensiyang res­ponsable sa pagbabantay kung natapos ba ng mga ahensiya ng gobyerno ang kani-kanilang mga proyekto gamit ang mga budget na nakalaan dito. Sa madaling salita, naka-tuon ang kanilang atensiyon sa mga numero sa pagsusuri ng mga natapos na proyekto base sa isinumiteng mga dokumento ukol dito at kapag ang kabayarang tseke ay naisyu na sa kontraktor.

Sa kabilang banda, ang mga district engineer naman ay may ibang ginagamit na basehan upang masabing kumpleto o tapos na ang isang proyekto. Ito ay kapag natanggap na nila ang trabaho mula sa mga kontraktor ng proyekto.

Mula sa pagtanggap ng trabaho at sa pag-iisyu ng tseke, mayroon talagang maituturing na ‘lag’ sa proseso na hindi naikonsidera ng COA bago nila inilabas ang report na hindi raw natapos ng MMDA sa oras ang mga proyekto nitong para sa pangangasiwa ng pagbaha sa Kamaynilaan.

Ang aking punto ay upang masabing walang pinapanigan at patas ang mga inilalabas na resulta, dapat sana ay maikonsidera ang mga ito bago ilabas sa publiko dahil ang mga ganitong klaseng report ay naghahatid ng negatibong mensahe sa komunidad at tila nasisira ang tiwala ng publiko dahil sa pagkadismaya sa mga ahensiya ng gobyerno.

Kung susuriing mabuti ang ating suliranin sa pagbaha, bukod sa climate change, ang mga plano para sa mga lungsod ng Metro Manila ay hindi rin talagang epektibo at talagang nababalot ng politika at napakaraming red tape.

Ang laganap na pagtotroso at pagtitibag ng mga lupa sa kabundukan sa labas ng Metro Manila ang siyang nagiging sanhi kung bakit madaling gumuho ang lupa. Ang mga gumuguhong lupang ito ay napupunta at naiipon sa daanan ng tubig ng Metro Manila.

Ang posibilidad ng pagbaha sa Metro Manila ay lalo lamang lumalaki at tumataas dahil sa pagtatayo ng mga bagong subdibisyon sa mga dating lupaing pang-agrikultura sa Marikina, Cainta, Pasig, Pateros, at Pasig, na talaga namang madaling bahain. Ngunit kahit wala ang mga kadahilanang ito, may mga bahagi ng Metro Manila na talagang mada­ling bahain.

Nakalulungkot lamang na marami pa ring mga mamamayan ang walang habas sa pagtapon ng kanilang mga basura sa mga lugar na hindi dapat tapunan. Ang mga ba­surang ito ang bumabara sa mga agusan ng tubig at mga pumping station kaya’t naiipon tuloy ang tubig sa mga lansangan ng Metro Manila.

Sa tuwing bumabara ang mga basurang ito sa mga makinarya ng pumping stations, napipilitan ang MMDA na ihinto ang operasyon upang mano-manong tanggalin ang mga nakabarang basura sa mga makinarya nito. Ang napakaraming basurang nakokolekta sa araw-araw ang makapagsasabi na marami pa rin talagang mga tao ang hindi nagtatapon ng basura sa tamang tapunan.

Naniniwala ako na ginagawa ng MMDA ang lahat ng makakaya nito upang maibsan ang pagbaha sa Metro Manila. Ngunit ang solusyon ay hindi lamang sa kanila magmumula. Kailangan din nating gawin ang ating mga tungkulin bilang mamamayan ng bansang ito. Dapat nating matutunang pangalagaan din ang kapiligiran sa pamamagitan ng simpleng tamang pagtatapon ng basura upang mabawasan ang mga bumabarang basura sa mga makinaryang dapat ay pumipigil sa pagbaha sa mga lansangan.

Maging bahagi tayo ng solusyon sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tungkulin at pagdi­siplina sa ating mga sarili.