TUMULONG SA PANGANGALAGA SA KALIKASAN

KALIKASAN

HINIKAYAT  ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice President at Kalookan Bishop Pablo David ang mga mananampalataya na tumulong sa pangangalaga ng kalikasan.

Ayon kay David, maraming simpleng pamamaraan upang makatulong ang bawat isa sa pangangalaga ng kalikasan.

Isa aniya rito ay ang simpleng pamamaraan lamang nang hindi na paggamit ng plastik.

Ipinaliwanag ng Obispo na hindi sapat ang pag-recycle ng mga plastik dahil kinakaila­ngang ihinto na ang produksyon at paggamit pa nito.

“Ugaliin natin yung walang plastikan, bawasan natin ang kaplastikan both literally at figuratively,” aniya pa, sa panayam ng church-run Radio Veri-tas.

Ang panawagan ay ginawa ni David sa pagsisi­mula ng isang buwang pagdiriwang sa panahon ng paglikha o Season of Creation, na ang lahat ng nilalang ng Diyos ay may kaugnayan sa bawat isa.

Binigyang-diin ng Obispo, na kapag sinaktan o sinira ang isang bahagi ng kalikasan at naaapektuhan na ang kabuuang balanse ng kapaligiran.

“Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay magkakaugnay-ugnay. Kapag sinaktan mo ang isang bahagi, sinaktan mo ang buong sangnilikha. When we destroy the world, we destroy ourselves.” pahayag ni David.

Nito lamang 2018, naitala ang Pilipinas bilang pangatlong bansa sa buong mundo na pinakamaraming nalilikhang plastic na basura.

Samantala, inihalintulad naman ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang kalikasan sa isang inang mapag-aruga.

Ayon sa Obispo, tulad ng isang ina, ang kalikasan ay nagkakaloob sa tao ng buhay, pag-asa at kalakasan.

Gayunman, binalaan ng Obispo ang mananampalataya na kung pababayaan ang kapaligiran ay magdudulot ito ng pagkawasak na maaaring human-tong sa kamatayan ng daigdig.

Dahil dito, mahalaga aniya ang pagkakaisa ng sangkatauhan, upang pigilan ang mga gawaing patuloy na sumisira sa kapaligiran.

Matatandaang nitong Setyembre 1 ay pormal nang binuksan ang Season of Creation sa pamamagitan ng isang Walk for Creation, na pina­ngunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Taong 2003 nang unang inendorso ni dating CBCP President Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo ang naturang pagdiriwang sa Pilipinas.

Ngayong 2019 naman ang ikatlong taon ng pagsasagawa ng Walk for Creation bilang tanda ng pagsisimula ng panahon ng paglikha. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.