TUNAY NA KALAYAAN MAKAKAMTAN

Cebu Archbishop Jose Palma-2

NAGPAHAYAG ng pag-asa ang isang arsobispo ng Simbahang Katolika na higit na makakamtan ng mga Filipino ang tunay na kalayaan, sa pagdiriwang ng bansa ng Araw ng Kasarinlan ng bansa ngayong Miyerkoles, Hun­yo 12.

Sa kanyang mensahe sa mga Pinoy  sa ika-121 anibersaryo ng kalayaan ng Filipinas, nagpahayag ng pag-asa si Cebu Archbishop Jose Palma na ipagdiriwang ng Filipino ang tunay na kahulugan ng kalayaan ma ipinaglaban ng mga bayaning Filipino.

“Hangad ko po sa a­ting lahat na sa ating pagpapasalamat sa malaking biyaya ng independence sana po maalala natin na ‘yung diwa ng tunay na kalayaan ay ‘yung malaya tayo sa lahat ng mga bagay na nagdudulot ng tunay na pagkatao, ng tunay na kapayapaan, ng tunay na bagay na masasabi nating tayo ay tunay na malaya,” pahayag ni Palma, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Binigyang-diin ng arsobispo na nararapat gunitain sa Independence Day na ito ay bunga ng pagmamahal, pagmamalasakit at pagsasakripisyo ng mga Filipino para sa bayan na inaani ng kasalukuyang henerasyon.

Matatandaang Hunyo 12, 1898 nang ideklara ang Araw ng Kalayaan sa Filipinas kasabay ng pagwagayway ng bandila sa Kawit, Cavite sa pangu­nguna ni General Emilio Aguinaldo.

Pinangunahan naman ni Ambrosio Rianzares Bautista ang pagbasa sa “Act of the Declaration of Independence” na sinaksihan ng libu-libong mga Filipino.

Nilinaw ng Arsobispo ng Cebu na kung puno ng galit at kasamaan ang tao ay nagpapatunay na hindi nito nakamtan ang tunay na kalayaan ng sarili su­balit inaalipin ng pagiging makasarili.

Umaasa si Palma na matamo ng bawat mananampalataya ang tunay na kahulugan ng kalayaan na naayon sa kalooban ng Panginoon at magdudulot ng pagkakaisa sa pamayanan.

“Sana po ang diwa ng tunay na kalayaan ay ang kalayaan na kanya ng mga anak ng Diyos; malaya sa kasamaan, sa kamalian, sa katunggalian at kalayaan na nagbubunga ng pagmamahal at ng hangad na magdala ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan,” dagdag pa ni Palma.     ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.