“HUWAG kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito’y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw.” (Mateo 6:19-20)
Ayon sa Bibliya, may dalawang uri ng buhay – buhay sa lupa at buhay pagkatapos ng kamatayan. Ang turo ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. (Juan 5:25). Hindi kamatayan ang katapusan ng lahat. May buhay pagkatapos ng kamatayan.
‘Pag namatay ang tao, maghihiwalay ang kanyang katawan at espiritu. Ang katawan ay babalik sa alabok, at ang espiritu at kaluluwa (ang hindi materyal na bahagi ng katauhan) ay babalik sa Diyos para sa paghuhukom. Ang sabi ng Bibliya, “Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom.” (Hebreo 9:27). Ang sabi naman ni Solomon, “Alalahanin mo ang Diyos bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito.” (Ecclesiastes 12:7)
Dalawa lamang ang maaaring hantungan ng espiritu ng taong namatay – Langit o impiyerno. Ang mga tumanggap sa libreng kapatawaran na inaalok ng Diyos ay sa piling ng Diyos mananahan, at ang mga tumanggi sa libreng kapatawaran at kaligtasan sa pangalan ni Jesu-Cristo ay sa impiyerno ibubulid. Ang katawan ng tao ay may katapusan subalit ang espiritu ay hindi mamamatay kailanman dahil galing ito sa hininga ng Diyos. (Sorry, subalit wala pong lugar na purgatoryo na itinuro ang Panginoong Jesu-Cristo.)
Dahil may dalawang klase ng buhay – buhay sa lupa at buhay pagkatapos ng kamatayan – samakatuwid, mayroon ding dalawang uri ng kayamanan – kayamanan sa lupa at kayamanan sa langit. Maraming tao ay walang katiyakan kung mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan. Ang akala nila, ang buhay ay ito lamang sa lupa, kaya ang pagpapayaman nila ay dito lang sa lupa. Maigsi lang ang buhay sa lupa. Mahaba na iyong buhay na aabot sa walumpung (80) taon. Ang iba nga ay namamatay habang bata pa, teenager pa lang o nasa 30, 40, 50 years old. Subalit ang buhay pagkatapos ng kamatayan ay walang katapusan. Ang kaluluwa ng mga taong may pananampalataya kay Jesus ay walang-hanggang makakapiling ang Diyos sa kaluwalhatian. Ang kaluluwa ng mga tumanggi kay Jesus ay walang hanggang magdurusa sa impiyerno na puspos ng kadliliman at paghihirap. Ang sabi ni Jesus, sa impiyerno, “doo’y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay.” (Marcos 9:48). Hindi puwedeng magsinungaling si Jesus. Marami siyang babala na ibinigay sa sangkatauhan para umiwas sa walang hanggang pagdurusa na hantungan ng mga ayaw sa Diyos.
Dahil ang buhay pagkatapos ng kamatayan ay walang hanggan, tinatawag ng Bibliya ito na “tunay na buhay.” Isinulat ni Apostol Pablo, “Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.” (1 Timoteo 6: 18-19).” Ito rin ang dahilan kung bakit iniutos ni Jesus na tayo ay mag-impok ng kayamanan sa langit, sapagkat doon ang tunay na buhay at ang kayamanan sa langit ay ang tunay na kayamanan.
Kaya maliwanag na may dalawang uri ng kayamanan – kayamanan sa lupa at kayamanan sa langit. At may apat na uri ng tao: Una, mga taong mahirap na nga sa lupa at mahirap pa sa langit. Talagang kahabag-habag ang mga taong ito. Mahirap sila sa lupa dahil hindi sila marunong mangasiwa ng kaperahan at maaaring naging tamad sila. Naging mahirap sila sa kabilang buhay dahil tinanggihan nila ang kapatawarang inaalok ni Jesus. Si Jesus ay ang namatay sa krus ng Kalbaryo para pagbayaran ang ating mga kasalanan. Ang pangalawang uri ng tao: mahirap sa lupa subalit mayaman sa langit. Naging mahirap sila sa lupa marahil dahil sa kulang sila sa financial literacy; subalit naging mayaman sila sa langit dahil tinanggap nila si Jesus sa buhay at sumunod sa mga prinsipyo niya. Pangatlong uri ng tao: mayaman sa lupa subalit mahirap sa kabilang buhay. Naging mayaman sila sa lupa marahil ay dahil mahusay sila sa pangangasiwa ng kaperahan subalit maaari ring gumamit sila ng mga masasamang paraan ng pagyaman gaya ng krimen at panloloko. Mahirap sila sa kabilang buhay dahil tinanggihan nila si Jesus sa kanilang buhay. Ayaw nila magpasakop sa Panginoong Jesus-Cristo. Ang pang-apat na uri ng tao ay mayaman sa lupa at mayaman pa sa kabilang buhay. Tunay silang pinagpala! Mayaman sila sa lupa dahil naging masipag sila, madiskarte, matipid, namuhunan nang tumpak, galanteng tumulong sa kapwa tao at pinangasiwaang mabuti ang kanilang kaperahan. Mayaman sila sa kabilang buhay dahil nagsisi sila sa kanilang mga kasalanan at tinanggap si Jesus bilang sarili nilang Panginoon at Tagapagligtas. Hinugasan ni Jesus ang lahat nilang mga kasalanan. At nang sila ay maligtas, sumunod sila sa mga prinsipyo ni Jesus kagaya ng pag-iimpok sa langit at hindi lang sa lupa. Sana, ang mga mambabasa ng aking mga artikulo sa PILIPINO Mirror ay maging pang-apat na uri ng tao – mayaman sa lupa at mayaman sa kabilang buhay. Maging marunong sa kaperahan at isuko ang buhay ninyo sa Panginoong Jesu-Cristo. Manigong Bagong Taon sa inyong lahat.
oOo
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)