TUNAY NA KONDISYON NG YAMANG DAGAT NG PINAS TUTUKUYIN

Nakipagsanib puwersa ang Department of Agriculture (DA) sa non profit organization na Global Ocean Exploration upang i-assess ang kalusugan at tunay na kondisyon ng iba’t ibang uri ng isda at mga pagkaing yaman ng  bansa gamit ang state-of-the-art na barkong OceanXplorer.

Ito ay matapos lu­magda ng  isang Memorandum of Understanding (MOU) ang DA, at global ocean exploration nonprofit OceanX sa inilabas na impormasyon ng ahensya ngayong Biyernes.

Pinangunahan nina Agriculture Secretary  Francisco Tiu Laurel Jr. ang paglagda ng MOU at OceanX co-chief executive officer Mark Dalio.

Ayon sa kalihim, ito  ay simula ng mas maha­lagang hakbang tungo sa pinalakas na kolaboras­yon upang mapalalim ang pang-unawa, pagpapahalaga at preserbasyon ng karagatan.

Batay sa naturang kasunduan, ang dalawang partido ay  magtutulungan upang isulong ang nagkakaisang layunin na mapahusay ang pag-aaral, pagprotekta at pagpapanatili ng kaayusan sa marine ecosystems.

Ayon kay Tiu Laurel, sa ngayon ay  pinag-uusapan pa ang mga detalye sa gagawing pagsasaliksik.  Ang kolaborasyon ay inaasahang tututok sa modernong scientific exploration sa bansa, partikular sa paglalarawan sa  mayamang marine ecology ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel ang potensiyal na pangmatagalang benepisyo ng pagsasaliksik na ito sa Pilipinas.

“Ang datos na makukuha ay magbibigay ng mahalagang pang-unawa sa ating mga likas na yaman sa karagatan, sa ating malawak na baybayin at sa kakaibang biodiversity na mayroon tayo. Makakatulong ito para makabuo ng mga istratehiya para mapreserba at mapahusay ang mga yamang dagat para sa mga susunod na henerasyon,” anang kalihim.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Dalio na may kakayahan ang research vessel na tukuyin ang mga kumplikadong datos sa karagatan.

“Sa OceanX, naniniwala kami sa pamamagitan ng modernong teknolohiya at pinagsamang  kolaborasyon ay mabubuksan ang mga misteryo ng karagatan at magbigay ng mga pananaw para makabuo ng resource management. Ang aming partnership sa Department of Agriculture ay  pagpapakita ng halimbawa kung paanong magsama ang siyensiya at pagbabago para makabuo ng  pangmatagalang epekto, hindi lamang sa pang-unawa sa marine ecosystems kundi pati na rin sa pagsuporta sa komunidad na nakadepende sa mga ito,” sabi ni Dalio.

“Umaasa kaming makatrabaho ang maraming scientists, mga policy­maker at stakeholders ng mga komunidad sa layuning magsilbing inspirasyon sa pangangasiwa sa karagatan habang binibigyan ng  kaalaman at kagamitan ang mga susunod na henerasyon para matiyak ang pagpapanatili sa mga yamang dagat,”dagdag pa ni Dalio.

Ang naturang hakbang ay bahagi ayon sa kalihim ng hangarin ng pamahalaan na patuloy na pangalagaan ang yamang dagat ng mga karagatan ng bansa ga­mit ang expertise at kakayahan sa teknolohiya tulad ng OceanX. Dahil dito inaasahan ng

DA na mas higit na mauunawaan ang tunay na kalagayan ng marine ecosystem ng Pilipinas, na lubhang mahalaga sa lokal na kabuhayan at  pandaigdigang kalusugan ng kapaligiran.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia