TINIYAK kahapon ni House Appropriations Chair Rep. Karlo “Ang Probinsiyano” Nograles sa publiko na ang deliberasyon ng Kamara sa mga ahensiya ng gobyerno ay agarang itutuloy sa sandaling magkaroon na ng positibong pagtugon ang Department of Budget and Management (DBM) at ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa mga agam-agam ng mga kongresista hinggil sa “napakahigpit” na sistema ng cash-based budgeting sa 3.757 trilyong pisong national budget para sa 2019 at kung matagumpay ang mga itong makapagsumite ng “tunay na People’s Budget.”
Ang DBM, National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF), at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga kasapi ng DBCC, na siyang nagsumite ng panukalang budget at sa bagong cash-based budgeting system.
“Pansamantalang pagkaantala lang naman ito, ngunit sinisiguro natin na maipapasa natin ang budget sa takdang panahon—isang budget na makatotohanan, makatao at makaprobinsiyano na susuhay sa mga pangunahing proyekto at programa ni Pangulong Rodrigo Duterte,” mariing pahayag ni Nograles, na nauna nang nagpabatid sa mga mamamahayag sa Kamara na ang pagtalakay sa budget ay pansamantalang isinuspende sa gitna ng panawagan ng mga kongresista na ibalik ang sistema sa nakasanayang obligation-based budgeting.
“Ipinaalam na sa mga ahensiya ang pagkakasuspende ng mga budget briefing ‘until further notice’. Sa puntong ito, mas makabubuti kung agarang matutugunan ng DBM at ng DBCC ang mga usaping aming inilahad.”
Ayon kay Nograles, nagkaisa ang mga mambabatas laban sa nasabing sistema ng pagba-budget at nagsabi na “ang cash-based budgeting ay hindi makatotohanan, walang paraan upang maisagawa, at laban sa interes ng aming mga nasasakupan.”
“Sa madaling salita, nagkakasundo kami sa Kongreso na lugi ang tao sa budget na ito, lugi ang Filipino sa sistemang ito,” ayon kay Nograles na ang tinutukoy ay ang budgeting scheme na ipinataw sa panukalang 2019 National Expenditure Program (NEP).
Dagdag pa nito, siya at ang iba pang mga kasapi ng Kamara ay nakita na ang litanya ng mga problema simula ng budget hearings noong Hulyo 31.
Sinabi pa ng kinatawan ng Davao na dahil sa higpit ng cash-based system, ang panukalang budget sa 2019 NEP ay P10 bilyon ang ibinaba sa tunay na halaga kung ikokompara sa 2018 General Appropriations Act (GAA) na nasa P3.767 trilyon.
Bilang resulta nito, idinaing ni Nograles na halos lahat ng ahensiya ng gobyerno ay natapysasan ng malalaking halaga ng ilalaan, “na ang dulo ay mas mababang budget para sa lahat: mas kakaunting bilang ng mga klasrum, barangay health center, kalsada, tulay, at mga sitio na paiilawan.”
“Dahil ang paninindigan ng Kamara ay ibalik ang sistema sa obligation-based budgeting, bibigyan natin ng pagkakataon ang DBCC na gawin ang nararapat na pagbabago,” ayon kay Nograles.
Nagpulong si Nograles at ang iba pang mga kongresista noong Huwebes upang iparating ang lumalawak na hinaing ng mga miyembro ng Kamara hinggil sa panukalang budget para sa 2019. Umaasa ang mga ito na makatatanggap ng positibong kasagutan ngayong Linggong ito.
Nauna ng ipinangako ng pinuno ng Appropriations Committee ng Kamara na hindi na ulit mangyayari ang isa pang reenacted budget sa gitna ng kasalukuyang gusot laban sa DBM tungkol sa cash-based budgeting.
“Ang aming responsibilidad at tungkulin sa aming mga nasasakupan ay maliwanag: siguraduhin na ang pera ng bayan ay magamit sa ikauunlad ng ating mga kababayan. Hindi natin papayagan na ang ating mga kababayan ay mapapagkaitan, at gagawin namin ang lahat upang siguruhin na matatanggap nila ang isang budget na nararapat sa lahat.”
Comments are closed.