SA maraming political surveys, naipupunto ang percentage ng mga undecided o wala pang napipiling ibobotong kandidatong pangulo sa Mayo 2022.
Laging highlighted o pinatitingkad ay ang No. 1 at ang kadikit na No. 2 at No. 3 at ito madalas ang batayan sa kung sino ang mananalo raw.
Mapagkakatiwalaan ba ang survey sa resulta ng totoong survey at ito nga ang mismong election day – na nagpakita na namamanipula ang survey para ikondisyon ang isip ng mga botante na si ‘ganito’, ‘si ganoong kandidato’ ang sure winner.
Tandaan na sa mga survey ay 13 percent o mas mataas pa rito ang wala pang nasa isip na iboto, at ito ay nagre-represent ng 45 percent ng kabuuang dami ng mga botante.
Pansinin din na sa mga survey, ang ABC sector, ito ang pangkat ng mga edukado, ‘yung angat sa buhay, ay ayaw magdeklara kung sino ang iboboto nila.
Ang sektor na ito – 13 percent undecided at 16 percent ng ABC sector – ang malaking botong paghuhugutan ng mananalong presidente at iba pang kandidato sa puwestong bise-presidente at senador.
Pero may mahalagang ambag ang mga political survey sa mga kandidato upang malaman kung ano ba ang lalim o babaw ng napupukaw na interes ng taumbayan na pumanig sa kanilang kandidatura.
Lalo sa panahong ito na multi-party system ang direksiyon ng halalan natin ngayon, hindi tulad noon na dalawang partido lamang ang naglalaban, at idinadaan sa pulong, miting, at party convention ang pagpili ng mga ikakandidato.
Ngayon sa dami ng nagsulputang political at local party, rambol at parang ingay sa ruweda ng sabungan ang nominasyon ng mga kandidato.
Nangyayari pa na kahit sino na lang, dahil sa maluwag ang mga kuwalipikasyong takda ng Konstitusyon sa mga nais kumandidato, kahit sinong tarpulano pinapayagang maghain ng certificate of candidacy.
Kaya imbes na makapagsimula agad ng pag-imprenta ng mga balota, nauubos ang oras ng Comelec sa pagsala, pagpili ng mga pampagulo at ang mga seryosong kandidato.
o0o
Tingnan natin ang kredibilidad kuno ng mga political surveys.
Noong 1992, nangingibabaw sa convention si Speaker Ramon V. Mitra sa survey na papalit kay Tita Cory Aquino, pero sa huli, naagaw ni dating Hen. Fidel V. Ramos ang panalong pangulo, ito ay sa kabila na nangibabaw sa lahat survey at mainit na sinuportahan ng mga kabataan ang kahanga-hangang matatalim na dila at talino ni Sen. Miriam Santiago.
Kahit superdikit si Mitra kay Tita Cory, si Fidel ang inendorso nito, at lihim, si Ramos din ang minanok ni Jaime Cardinal Sin.
Maugong ang reklamong nadaya ni Ramos si Aling Miriam, at noon pa man, ganito lagi ang ating eleksiyon: walang natatalong kandidato, nandaya o mandaraya ang nanalo – sa tulong ng Comelec.
Lahat ng survey noong 2004, taas-kamay na ang marami na si Da King FPJ ang mananalo pero parang bola na isasalpak na lang sa basketball ring, naagaw ito ni Aling Gloria Arroyo na inakusahang nandaya rin at nagsabi ng “I’m sorry,” sa isyu ng “Hello, Garci.”
Top choice sa mga survey noong 2010 si Senate President Manny Villar, kasunod si dating Pres. Erap Estrada, pero nanalo si PNoy Aquino, na ayon sa mga political analyst ay nanalo dahil sa Cory magic o simpatiya sa pagkamatay ng ina nito.
Kung nagkaisa sina Interior Sec. Mar Roxas at Sen. Grace Poe at isa lamang ang kumandidato, hindi mananalo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte – na kulelat sa survey noong 2016 elections.
Si VP Jojo Binay noon ang lumutang na pinakapaborito rin sa mga political suvey, pero maagang nadurog sa magkatulong na paninira sa imbestigasyong korupsiyon laban sa mga Binay na pinagtulungang gawin nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Sonny Trillanes.
Sa pagbagsak ni VP Binay, nangibabaw lagi sa survey sina Mar at Grace, pero naagaw sa kanila ang panalo ng ‘berdugo’ ng mga druglords na si Digong Duterte.
o0o
Mahalaga ring pansinin ang resulta ng political surveys, lalo na sa sinasabing nangungulelat sa pulso ng bayang botante.
Mapagkakatiwalaan man o hindi, manipulado man o totoo nga ang resulta ng survey, mapupulsuhan ang init o lamig ng isang kandidato sa puso ng mga botante.
Sa ngayon, dominado ni BBM (Bongbong Marcos) ang lahat halos ng survey at dumidikit sa ikalawa at ikatlong puwesto sina Yorme Isko at VP Leni Robredo at malayong-malayo sa karera sina Sen. Manny Pacquiao at Sen. Ping Lacson.
Kung survey nga ang batayan, “tapos na ang boxing,” pero ang tunay na survey ay ang mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 2022.
Batay sa resulta ng eleksiyon muna noong 1992, maliban noong 1998 na clear winner si Erap, bumalintuwad ang resulta ng political survey.
Natalo ang top choice at posible na ganito rin ang maging trend sa mismong araw ng eleksiyon.
o0o
Kumpara sa rekord ng ibang presidential aspirants, tanging ang batang basurero na si Yorme Isko, na lantad sa bayan ang mahirap pantayang nagawa at ginagawang mahusay na pamamahala niya sa Maynila.
Si Isko lamang ang may malinaw na programa sa gobyerno: Bilis-Kilos laban sa kalamidad at pagdamay, pag-aruga sa mga pininsala ng pagputok ng Taal Volcano, at ng lupit ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Buhay at Kabuhayan sa ipinatayong mass housing, pagpasok ng malalaking investment sa Maynila, libo-libong trabaho, modernong paaralan at ospital at tapang at buong loob sa pagtatanggol sa soberenya ng bansa.
Manguna man o mangulelat si Yorme Isko sa survey, nakapokus lang ang buong Team Isko na mapagkaisa ang taumbayan na samahan siya at suportahan sa hangad niyang makatawid sa gutom at kawalang pag-asa gawa ng krisis sa kabuhayan at pandemya at mapagkaisa ang bansa sa 2022.
Sa Mayo 2022 – na siyang tunay na survey ng taumbayan – si Isko Moreno ang sa paniwala namin ang magtatagumpay.
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].