NAMULAT na ang mga mata kong likas na may kaguluhan sa Mindanao. Talaga namang matatapang ang mga tao riyan, banaag natin iyan sa kanilang mga epiko, na noon pa man ay mataas ang pag-value ng mga taga-Mindanao sa katapangan.
Sa epikong Darangen halimbawa, ang bayani nito na si Bantugen ay sikat sa iba’t ibang kaharian dahil sa mga giyerang pinasok nito at pinanalunan. Hindi lamang mga lalaki, kundi may mga bayani rin tayong kababaihan sa Mindanao na kung makipaglaban sa digmaan ay inaabot ng tatlong araw. Bawat bundok ay iba’t iba ang kaharian, ganyan noong bago pa man dumating ang mga Kastila.
Sa Mindanao rin nanggaling ang tinatawag nating juramentado, na ang ibig sabihin ay isang Moro na nagdasal magdamag at su-sugod upang pumatay ng hanggang ilan ang mapapatay sa mga kaaway.
Marami na ang naisusulat na tungkol sa mga taga-Mindanao, maraming kuwento na kinapapalooban ng pagdanak ng dugo. Ngunit kung babagtasin ng malaliman, ang mga taong ito ay may pag-ibig din sa kapayapaan. Ang pag-ibig na iyan ang dahilan marahil kung kaya paulit-ulit na nakikipagnegosasyon sila sa pamahalaan.
Sa praktikal na pagtingin, kaya maraming taga-Mindanao ang nanggugulo at nahihikayat na manggulo ay dahil sa kahirapan na dinaranas ng kani-kanilang komunidad at pamilya.
Kung totohanin lamang ng pamahalaan ang basic services na dapat na natatamasa rin ng mga taga-Mindanao, sana ay walang nag-aaklas, walang nambobomba sa mga pampublikong lugar diyan.
Napakaganda ng Mindanao, ngunit sa likod nito ay may nakaambang panganib. Gutom ang mga tao, at ang mga nakaririwasa naman ay parang mga leon na naninibasib ng mga laman gamit ang kanilang pribadong armed group.
Dapat baklasin na ng pamahalaan ang mga private army sa Mindanao, gawan ng hindi lamang maganda, kundi magagarang im-prastraktura ang Mindanao at irespeto ang kultura ng ating mga kapatid na nandiyan.
Noong panahon ni Nur Misuari bilang pinuno ng Autonomous Region of Muslim Mindanao, ni isang kutsarang buhangin ay wala umanong naibahagi ang pamahalaan sa mga taga-Tawi-Tawi.
Ibig sabihin, kung inaakala nating parte ng Filipinas ang Mindanao, lalo ‘yang mga lalawigan na nakapaloob sa ARMM, dapat lamang namang matamasa rin nila ang mga benepisyong tinatamasa ng mga taga-National Capital Region halimbawa.
Hindi dapat nila maramdaman na sila ay pawang mga outsider na may parehas na karapatan katulad ng ibang mga ordinaryong Filipino.
Kung ang mga infrastructure project ay babaha sa Mindanao, kung mababaklas ang mga private army, kung mapupuksa ang mga terrorist group diyan, kung ang batas sa Mindanao ay magkakaroon ng ngipin, kung ang basic social services ay maide-deliver sa bawat residente ng Mindanao pati na ang libreng panonood ng sine para sa mga senior citizen doon, libreng pagkain para sa mga mag-aaral, housing projects, isang kabang bigas para sa bawat pamilya kahit every other month, kung mapaiigting ang pag-set up ng mga economic zone doon at makalikha ng maraming trabaho at business opportunities, magiging mapayapa na doon, dahil masaya ang bawat indibiduwal, masaya na ang bawat pamilya sa Mindanao.
Comments are closed.