KAMAKAILAN ay napapadalas ang mga pagbaha sa ilang lugar sa bansa habang tayo ay nasa kalagitnaan ng panahon ng tag-ulan. Ito ay nagdudulot ng aberya sa mga serbisyo, trapiko, polusyon, pagtaboy sa mga pamilya mula sa kanilang tirahan, at kabawasan sa produksyon.
Sa Makati, si Mayor Abby Binay ay nagdeklara na ng state of climate emergency dahil apektado na umano ng climate change ang mga mabababang lugar na tulad ng Makati. Ang pagtaas ng temperatura at antas ng tubig sa dagat ay nagdudulot ng mga suliraning mas matindi pa sa mga naranasan natin noon. Sa dami na ng ating pinagdaanang mga climate emergencies, nagtataka ako kung ano pa ba ang kailangang mangyari bago natin seryosohin ang usaping ito.
Dahil sa climate change at sa pandemya, napagtanto ng maraming tao ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga siyudad at espasyong karapat-dapat tirahan. Ibig sabihin, mga lugar kung saan tayo ay komportable, produktibo, ligtas, at malusog. Ang sustainability ay isa pang mahalagang konsiderasyon—ang ating mga gusali, bahay, at komunidad ay kinakailangang mayroong net zero carbon at mas mababang emissions. Kailangan din natin ng mga espasyong mas matatag o matibay at kayang harapin ang mga hindi inaasahang pangyayari at iba’t-ibang uri ng pagbabago.
Kinakailangang isaalang-alang ng mga negosyo, partikular na ng mga real estate companies, ang mga isyung ito kung nais nilang magtagumpay sa kasalukuyang panahon. Kagaya na lamang ng ginagawa ngayon ng Lungsod ng Makati, kailangan ng mga inisyatiba mula sa pamahalaan, sa lokal man o pambansa, upang maging mas karapat-dapat na tirahan o pamalagian ang iba’t-ibang espasyo, kagaya ng mga gusali, komunidad, siyudad, at mga pampublikong lugar.
(Itutuloy…)