TUNGO SA RESPONSABLENG PAGGAMIT NG AI

MARAHIL dahil sa mga napapanood natin at sa mga prediksiyong nagmumula sa iba’t ibang lugar at tao—kasama na riyan ang hindi ganap na pang-unawa tungkol sa bagay na ito—marami ang takot sa artificial intelligence (AI).

Nakalulungkot dahil malaki ang potensiyal nito upang makatulong nang husto sa iba’t ibang bahagi ng ating buhay.

Kasama na riyan ang kalusugan, mga pagpupunyagi upang labanan ang climate change, edukasyon, pampublikong imprastraktura at kaayusan, negosyo, at iba pa.

Marami rin sa atin ang hindi nakauunawa na ang mga bagong teknolohiya ay likas na may kaakibat na mga bagong pagsubok—hindi ito maiiwasan at bahagi ito ng pag-unlad. Ang may kakayahan sa atin ay dapat na magtulong-tulong upang malagpasan ng lipunan ang mga balakid na ito para naman malasap ng mundo ang mga benepisyo ng makabagong teknolohiya.

Sabi ng ilan, maraming kamalian ang lumalabas mula sa mga makina at sistemang gumagamit ng AI. Halimbawa, ang ChatGPT ay naglalabas ng maling impormasyon at hinuha, hindi orihinal na resulta, at simplistikong pananaw.

Ang I mismo sa AI ay isang pagkakamali umano dahil imbes na intelligence, ito naman talaga ay kumakatawan sa prediksiyon. Ayon ito kay Kay Firth-Butterfield, and pinuno ng Artificial Intelligence and Machine Learning sa World Economic Forum.

Hindi umano maaaring ipantay o ikumpara sa katalinuhan ng tao (human intelligence), sabi ni Firth-Butterfield.

Kaya naman, ang ideya na ang tao ay kayang palitan ng robot o makina ay hindi kapani-paniwala. Naniniwala naman ako rito, sa ngayon. Napakabilis kasi ng pag-unlad ng teknolohiya at wala talagang nakakaalam kung ano ang kayang gawin ng modernong teknolohiya sa mga darating na buwan at taon.
(Itutuloy)