(Pagpapatuloy)
ANG malinaw lang sa ngayon, dahil bago ang teknolohiyang AI, kailangang maging maingat ang lahat sa paggamit nito.
Kasama rito ang malalaking korporasyon hanggang sa publiko at mga indibidwal. Ang payo ng mga eksperto ay ang paggamit lamang ng mga sistemang responsable ang pagkaka-disenyo at pagkaka-testing. Dahil kung hindi, maaaring harapin ng mga gagamit ang ilang panganib, kabilang na rito ang ilang posibilidad na may kinalaman sa batas.
Sa Pilipinas kung saan hindi pa nailalatag ang mga guidelines tungkol sa paggamit ng artificial intelligence, kailangang magtulong ang pampubliko at pribadong sektor upang makagawa ng mga makatarungang polisiya tungkol sa bagay na ito.
Mahalaga rin na matutunan natin ang lahat ng maaaring matutunan tungkol sa AI, kabilang dito ang mga pinakabagong update upang maaari tayong makagawa ng tamang desisyon kung ito nga ba ay angkop para sa mga isyung nais nating tugunan. Halimbawa, alam ba ninyo na napakabigat ng koryenteng gamit ng paggawa at pagpapatakbo ng mga makabagong computer system?
Ayon sa mga pag-aaral, ang carbon footprint ng information at communication technology ecosystem ay katumbas ng fuel emission ng aviation industry. Ang pagiging sustainable ng AI ay isa sa mga malalaking isyung kaugnay dito, isa pang dahilan kung bakit napakahalaga na ang lahat ay maging responsable sa paggamit nito.
Bukod pa riyan, ang mga importanteng desisyon ay magagawa lamang natin kung may sapat tayong impormasyon.
Kasama rito ang desisyon sa kung anong system ang ating gagamitin, paano ang responsableng paggamit nito, at kung paano titignan ang paggamit ng ibang bansa at grupo sa parehong mga sistema.