(Tupada sinalakay ng pulisya) 16 SABUNGERO LUMABAG SA SOCIAL DISTANCING

sabong

LAGUNA – ARESTADO ng Sta. Rosa City PNP ang 16 sabungero nang kanilang salakayin ang  tupada sa Brgy. Pooc, lungsod na ito kamakalawa ng umaga.

Sinasabing sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng pamahalaan kaugnay ng patuloy na pagkalat ng COVID-19 virus sa bansa, nilabag at gumawa pa rin ng iligal na gawain ang mga suspek.

Batay sa ulat ni PLt. Col. Vicente Amante, hepe ng pulisya kay Acting Laguna PNP Provincial PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang naarestong mga suspek na sina  Roderick Merano Estevan, 40, Anthony Paningbatan Bernal, 32, Jovannie Bascug Garde, 32, Roel Malapitan, 40, Gilbert Tolentino Capesos, 34, Jaime Tarhueco Tome, 35, Allan Gonzales Alomia, 43, Mark Jovillianos Suba, 22, Edwardo Lavinia Reyes, 45, Marvin Galang Macalino, 38, Elbero Cilais Balijit, 51, Amino Ampoan Alawi, 33, Joel Manlimid Salamat, 36, Recardo Garcia Villa, 54, Ryan Gonzales Ciavez, 34, at isang Leonardo Generalia Cabial, 50 pawang mga residente ng naturang lugar.

Bandang alas-11:30 ng umaga ayon kay Amante ng magsagawa ang mga ito ng pagsalakay sa loob ng Honor Ville Subd. kaugnay ng ipinatutupad na ECQ habang aktong kainitan ang pustahan ng mga suspek sa iligal na tupada kung saan ginugunita ang Araw ng Manggagawa.

Nakatakas ang karamihan sa mga ito samantalang hindi na nakapalag ang 16 sa mga naaresto.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang panabong, dalawang piraso ng tari at halagang P1,200.

Kasalukuyang nakapiit sa Sta. Rosa PNP Lock Up Cell ang mga suspek kung saan pawang nahaharap ang mga ito sa paglabag sa Violation of PD-449 (Cockfighting Law of 1974) as amended by PD 1602, (Prescribing Stiffer Penalties of Illegal Gambling) in relation to Sec. 9 paragraph E of RA 11332 (Enhanced Community Quarantine). DICK GARAY

Comments are closed.