TURISMO IBANGON

Senador Sonny Angara-4

PARA makarekober mula sa matinding hagupit ng COVID-19 pandemic, dapat na ikonsidera ng gobyerno ang tinatawag na ‘travel bubble’ na magbabangon sa sadsad na estado ng turismo sa bansa.

Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara kaugnay sa patuloy na pagbagsak ng naturang sektor dahil sa tatlong buwang lockdown at sa patuloy ring  pag-iral ng travel ban.

Dahil dito, hinimok ni Angara ang Department of Tourism (DOT) na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), sa Department of Transportation (DOTr)  at sa Union of Local Authorities of the Philippines sa pagbuo ng mga hakbang kung paanong maipatutupad ang travel bubbles. Dapat ding pag-usapan, aniya, kung ano-anong bansa at mga lokal na destinasyon sa Filipinas ang dapat na ibilang dito.

Komento ito ng senador kaugnay sa ikapitong report ng Palasyo sa Kongreso patungkol sa pagpapatupad ng gob­yerno sa Bayanihan to Heal as One Act. Ang naturang ideya ni Angara ay nitong Mayo pa niya ipinalutang bilang isa sa mga paraan upang  maibangon ang nanlulumong  estado ng turismo sa bansa.

Ang travel bubbles, ayon kay Angara, ay ang kasunduan ng mga piling bansa na tumanggap ng mga biyahe papasok sa kani-kanilang border. Sa ilalim ng kasunduang ito, ang mga biyahero ay maaaring ‘di na sumailalim sa quarantine, o kaya naman ay daraan lamang sa maikling panahon ng kuwarantina.

“Maraming bansa na ang nagpaplanong magpatupad ng travel bubbles upang unti-unti  nang gumalaw ang kanilang kalakalan at turismo. Isa ang turismo sa nagpapagalaw ng ekonomiya at sa pa­raang ito, tiyak na unti-unti ring babangon ang kabuhayan ng isang bansa,” ayon sa senador.

Sa ngayon, ilan sa mga bansang matunog sa travel bubbles ay ang Thailand, Singapore, China, South Korea, Vietnma, Japan, Australia at New Zealand. Mababatid na unti-unti nang ibinaba­ngon ng mga ito ang kanilang ekonomiya na labis na naapektuhan dahil sa lockdowns.

Binigyang-diin ni Angara  ang kahalagahan ng turismo dahil sa napakalaking ambag nito sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.

Nitong 2019, ayon sa datos, nakapagpasok ng $9.31B (P461B) ang tourism industry sa bansa na ikinokonsi­derang pinakamataas na kita nito sa taon.

Gayunpaman, anang senador, daraan sa masusing pag-aaral ang pagpapatupad ng travel bubbles dahil sa napakaraming reketitos na kinakailangan dito. Ito, aniya, ay upang matiyak na talagang ligtas ang mga pagbibiyahe sa iba’t ibang bansa.

“Kailangan kasi rito, lantad ang estado ng isang bansa hinggil sa paglaban ng health sector  nito sa COVID-19. Dapat ay maipakita nitong kontrolado at malakas ang puwersa nito laban sa  pandemya upang mapagkatiwalaan,” ayon pa kay Angara.

Aniya, kung papasa ang Filipinas sa mga pakatarang ito ay saka pa lamang ito maaaring mapabilang sa travel bubbles, partikular ang mga pamosong destinasyon sa bansa tulad ng Boracay at Bohol.   VICKY CERVALES

Comments are closed.