TURISMO NAGPAPASALAMAT KAY MAGALONG

PINURI at pinasasalamatan ng grupong “Turismo Isulong Mo” si Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil sa muling pagbubukas ng naturang lungsod sa mga turista.

Ayon kay Turismo Spokesman Edmundo Mayormita, “saludo ang aming grupo kay Mayor Magalong dahil sa muling pagbubukas ng turismo sa kanyang nasasakupan kahit nasa GCQ (general community qua­rantine) pa lang sila.”

“Tiyak hindi lang ang kita ng lungsod ang kanyang nasa isip kundi pati na rin yung daan-daan na­ming mga miyembro na nawalan ng trabaho sa pagsasara ng turismo sa Baguio,” aniya pa.

Dagdag pa ni Mayormita, karamihan sa mga nawalan ng trabaho sa Baguio ay mga nagtatrabaho sa mga hotel, tour guides, at mga nagtatrabaho sa burnham park.

“Sana tularan ng ibang mga mayors si Mayor Magalong na buksan ang kanilang mga lugar sa turismo para makabalik na ang mga manggagawa sa trabaho,” dagdag pa ni Mayormita.

Batid daw ng turismo ang pangamba ng mga alkalde na baka kumalat ang COVID sa kani-kanilang nasasakupan kung kaya hindi pa sila tumatanggap ng mga bisita.

“Bakit hindi ba takot si Magalong sa COVID? Siyempre siguraduhin mo na susunod sa mahigpit na health protocols ang mga bisita bago mo sila papasukin tulad sa Baguio”, pahabol ni Mayormita. PMRT

One thought on “TURISMO NAGPAPASALAMAT KAY MAGALONG”

Comments are closed.