TURISMO SA TAGAYTAY BALIK-SIGLA

taal

UNTI-UNTING nanunumbalik ang sigla ng pagnenegosyo at turismo sa paligid ng Bulkang Taal  isang buwan matapos  ang pagputok nito.

Ito ang pahayag ni  Taal, Batangas Mayor Fulgencio ‘Pong’ Mercado kahapon sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery.

Sa panayam ng PILIPINO Mirror, sinabi ng alkalde na halos 97 porsiyento na ang naibalik  mula sa naapektuhang mga kabahayan sa kanilang lugar.

Napag-alamang nasa 2,000 kabahayan ang nagkaroon ng minor damage habang nasa 200 namang bahay ang totally damage base sa kanilang isinagawang pag-monitor sa pa­ligid ng Taal.

Umaasa naman si Mercado na sa mga darating na mga araw ay maibababa na rin sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal at tuluyang maisasaayos na ang kabuhayan sa kanilang probinsiya.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang alkalde kasunod ang pahayag na kontento sila sa patuloy na ginagawa ng national government sa pagtulong sa mga  biktima ng pagsabog ng Taal.

Kumikilos  din ang Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno upang maibalik ang mga kabuhayan sa lugar.

Tiniyak na nananati­ling intact ang historical houses na naapektuhan ng pagsabog bunsod ng maagap na aksiyon ng mga kinauukulan gaya ng National Historical Commission kung saan naitabi ang mahahalagang mga painting ng iba’t ibang artists.

Sinabi pa nito na may ilan na lamang na lugar ang nangangailangan ng temporary relocation area at kanilang tinitignan ang  bayan ng Ibaan at Cavite area.

Hinikayat ni Mercado ang mga nagnanais na mag-date ngayong Araw ng mga Puso na muling subukang bumalik sa kanilang lugar dahil naibalik na  ang ganda at sigla ng dating nasirang probinsiya. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.