PANGASINAN – GANADO ang turismo sa lalawigang ito nang dumoble ang bilang ng mga turista na dumagsa sa Hundred Islands National Park sa lungsod ng Alaminos sa panimula ng bakasyon at summer season.
Ito mismo ang kinumpirma ni Mike Sison, tourism officer ng naturang siyudad at sinabing kung pagbabasehan ang bilang ng mga bisitang dumagsa sa isla ay masasabing dumoble ang tourist arrival ngayong taon.
Paliwanag pa nito, hindi lamang ang mga lokal na turista ang naaakit sa kagandahan ng Hundred Islands ngunit maging ang mga dayuhan.
Sa katunayan aniya, aabot na sa 7,000 turista ang dumarayo sa nabanggit na isla tuwing weekend at karamihan aniya ay mga Eu-ropean national.
Gayunpaman, kahit dagsa na ang bilang ng mga foreign at local tourist sa naturang lugar, tiniyak ni Sison na hindi magtataas ng singil ang mga bangkero sa kanilang motor bangka.
Wala rin aniyang pagtaas sa renta ng mga hotel na tinutuluyan ng mga turista.
Dagdag pa ng tourism officer na upang makahikayat ng maraming turista, mas pinaganda na ngayon ang mga pasilidad sa Hundred Island at nagdagdag ng iba’t ibang water adventure. GELO BAINO
Comments are closed.