TURKISH GOVERNMENT TUTULONG SA AFP MODERNIZATION

TINIYAK ni Turkish Ambassador to the Philippines Niyazi Eyren Akyol kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Andres Centino na tutulong sila sa isinusulong na AFP Modernization program.

Sa ulat ng AFP public Information Office, tiniyak ni Akyol sa kanyang courtesy call kay Centino sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo na tuloy tuloy ang tulong ng kanilang pamahalaan sa hukbong sandatahan ng Pilipinas.

Sa naturang courtesy call, napag-usapan ang kakayahan ng Turkish Defense Industry na mag-supply ng mga modernong kagamitang pandigma kabilang na ang mga sasakyang pandagat at assault choppers.

Hindi kinalimutang pasalamatan ni Centino ang Turkish government sa tulong sa Pilipinas kaugnay sa Philippine Air Force (PAF) Attack Helicopter o AHAP T129 acquisition at Philippine Army (PA) M113 APC Fire Power Upgrade project.

Nabatid pa na sa pag-upo ni Centino ay balak nitong palawakin ang kasalukuyang Memorandum of Understanding on Defense Industry Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Turkey para sa mas malawak na kooperasyong militar sa pagitan ng dalawang magkaibigang bansa.

Iprinisinta rin ni Akyol ang kasalukuyan nilang talakayin kaugnay sa komprehensibong defense industry ng Turkey.

Tugon naman ni Centino, dahil may umiiral ng MOU sa Turkey na nakatuon lamang sa Defense Industry Cooperation ay dapat umanong palakasin pa ang relasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagbuo mas malawak na military cooperation framework para pag-aralan pa ang mga hindi saklaw ng umiiral na defense agreement. VERLIN RUIZ