SINALUBONG ng welcome protest ng Rice Watch Group na ‘Bantay Bigas’, Amihan at Anakpawis ang turn-over ceremony para sa bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Panawagan ng grupo sa bagong upong si DA Secretary William Dar, ipaglaban ang lokal na bigas, at ibasura ang rice tarrification law na nagpapahirap sa mga magsasaka, dahil patuloy na bumababa ang farm gate price ng palay.
Inihalimbawa nila ang pagbagsak ng farm gate price sa Nueva Ecija, Laguna, Tarlac at Sorsogon, na mula sa P7 hanggang P14 na lamang kada kilo.
Sa kabila nito, nanindigan ang DA chief na ipagpapatuloy ang implementasyon ng rice tarrification at tiniyak na gagawing maayos ang pagsasakatuparan nito.
Inilahad din ni Dar ang planong walong hakbang upang sumulong ang agrikultura.
Kabilang dito ang modernisasyon at industriyalisasyon ng agrikultura, promotion ng exports, farm consolidation, infra at roadmap development, mas mataas na budget at pamumuhunan sa agrikultura, at legislative support.
Muli rin nagpasalamat si Dar kay Pangulong Duterte sa paglalagay sa kanya bilang Department of Agriculture Acting Secretary, at maging sa pinalitan nitong Kalihim na si Manny Piñol.
Umapela rin ang bagong kalihim sa lahat ng sektor upang maipagtagumpay ang nakaatang na malaking responsibilidad sa kanya. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.